Hanggang saan nga ba ang kayang gawin ng isang ina para sa pagmamahal niya sa kanyang anak?
Iyan ang sasagutin ng naiibang kwentong magbibigay ng bagong mukha sa pagmamahal ng mga ina, ang “Hanggang Saan” na mapapanood simula Nobyembre 27 sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.
Matapos siyang mahalin ng sambayanan bilang Gloria sa “The Greatest Love,” muling matutunghayan ng mga manonood si Sylvia Sanchez sa pagbibigay-buhay niya kay Sonya, isang matapang na nanay na kayang gawin ang lahat ng sakripisyo para sa mga anak.
Makakasama naman ng award-winning actress sa unang pagkakataon sa isang serye ang anak niyang si Arjo Atayde, na gaganap naman bilang Paco. Matalino at maaasahan, si Paco ay kasalukuyang kumukuha ng abogasiya at nagsusumikap na mabigyan ng mas komportableng buhay ang pamilya.
Makikilala rin nila ang mag-inang sina Jean (Teresa Loyzaga) at Anna (Sue Ramirez) na magiging malapit nilang mga kaibigan at babago sa takbo ng kanilang mga buhay.
Sa unang tingin, isa lamang pangkaraniwang pamilya ang tahanan ni Sonya. Ngunit mag-iiwan ng maraming katanungan ang kanyang kwento dahil hindi tulad ng nakasanayang kwento ng mga ina, madadawit si Sonya sa isang krimen upang maipagpatuloy ang buhay ng nag-aagaw-buhay niyang anak.
“Gagawa si Sonya ng argumento sa mga nanay at mga anak. Ang tanong ay ‘Gagawin ko ba ang ginawa ni Sonya? Dapat ba ginawa niya o hindi niya dapat ginawa ‘yung krimen?’” sabi ng batikang aktres na si Sylvia.
“Babasagin namin ang imahe ng pagiging isang ‘ideal’ na ina. Dito makikita natin kung paano mamahalin ang isang taong alam nilang may bahid,” dagdag naman ni Arjo.
Kasama rin sa “Hanggang Saan” sina Ariel Rivera, Yves Flores, Maris Racal, Marlo Mortel, pati na rin sina Nikko Natividad, Rommel Padilla, Nanding Josef, Anna Luna, Mercedes Cabral, Rubi Rubi, Viveika Ravanes, Sharmaine Suarez, Ces Quesada, Arnold Reyes, Maila Gumila, at Junjun Quintana. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Mervyn Brondial at Jeffrey Jeturian.
Panoorin ang seryeng magpapakita kung hanggang saan ang pagmamahal ng isang ina para sa anak sa “Hanggang Saan,” tuwing hapon pagkatapos ng “Pusong Ligaw” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable 167). Para sa updates, mag-log on lang sa fb.com/hanggangsaan at i-follow ang @hanggangsaantv sa Twitter at @hanggangsaan sa Instagram.