Sylvia aamin na sa krimeng ginawa sa Hanggang Saan

Nakatakda nang aminin ni Sonya (Sylvia Sanchez) ang pinakamalaking bahid mula sa kanyang nakaraan — ang pagpaslang niya sa negosyanteng si Edward Lamoste (Eric Quizon) sa inaaabangang rebelasyon sa Kapamilya haponserye na “Hanggang Saan.”

Isang mabigat na krus ang papasanin ni Sonya dahil matapos niyang makatanggap ng mga litrato ni Edward na nakahandusay at duguan, maliliwanagan ang kanyang konsensya at matutulak siyang gawin ang tama.

Kaya naman buong tapang niyang aaminin sa mga anak niyang sina Paco (Arjo Atayde) at Domeng (Yves Flores) na siya mismo ang pumatay kay Mr. Lamoste, at handa niyang harapin ang kapalit ng kasalanan upang pagdusahan ang ginawang krimen.

Ito na nga ang umpisa ng kalbaryo ni Sonya dahil ang sikretong kanyang tinago upang mapanatiling buo ang kanyang pamilya ang siyang wawasak din dito.

Habambuhay nga bang pagdurusahan ni Sonya ang kasalanang ito? Ano nga ba ang gagawin nina Paco at Domeng sa pagkakataong malaman nila ang katotohanan?

Panoorin ang seryeng magpapakita kung hanggang saan ang pagmamahal ng isang ina para sa anak sa “Hanggang Saan,” tuwing hapon pagkatapos ng “Pusong Ligaw” sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable 167). Para sa updates, mag-log on lang sa fb.com/hanggangsaan at i-follow ang @hanggangsaantv sa Twitter at @hanggangsaan sa Instagram.