"Game ng Bayan" susubukin ang pagkakaisa ng mga barangay simula Lunes
 

Susubukin na ang pagkakaisa at pagtutulungan ng buong barangay sa pinakabagong game show ng ABS-CBN kung saan panalo ang bayan mo, ang “Game ng Bayan,” simula ngayong Lunes (Mar 7), 5PM.

Sa pangunguna ng “Idol ng Bayan” na si Robin Padilla at “Tol ng Bayan” na si Alex Gonzaga bilang hosts, ang show ay magkakaroon ng 100 contestants na pawang miyembro ng isang barangay na sama-samang gagawin at tatapusin ang isang hamon sa pag-asang makuha ang espesyal na jackpot prize. Iba iba ang jackpot depende sa pangangailangan ng barangay tulad ng pailaw, renovation ng daycare centers o basketball courts, atbp.

Kasama rin dito ang mga “Tropa ng Bayan” na sina Eric Nicolas, MJ Lastimosa at Negi na tutulungan ang mga manlalaro para maging mga bayani sa kanilang barangay.

Magsisimula ang “Game ng Bayan” na may anim na manlalaro na makakipagpaligsahan sa isa’t isa.

Sa unang round na “Ang Dami Mong Alam,” magbibigay ang hosts ng isang tanong sa anim na manlalaro pero ito ay may madaming posibleng sagot. Matatanggal lamang ang manlalaro kapag mali ang sagot, inulit ang sagot o kapag ubos na ang lahat ng posibleng sagot.

Sa pangalawang round naman na “Buksan Ang Plato” ay isa isang pipili ng plato ang natitirang tatlong manlalaro na ngayon ay sasamahan ng kanilang kaanak or mga kaibigan. Ang unang manlalaro na makakakuha ng tatlong “Yehey” ang maglalaro sa jackpot round.

Sa jackpot round, isang daang miyembro ng barangay ang sasama at makikipagtulungan sa manlalaro upang magawa ang hamon. Teamwork at pagkakaisa ang magiging susi nila para sa huli sila ay magwagi sa “Game ng Bayan”.

Ang mga mananalong barangay mula Lunes hanggang Huwebes ay maglalaban laban sa Biyernes para magkaalaman sino ang pinakamahusay na barangay para sa linggong iyon.

Ang “Game ng Bayan” ay orihinal na konsepto ng ABS-CBN.

Buong bayan tumutok at makisaya na sa “Game ng Bayan” simula Lunes (Mar 7) na pagkatapos ng “And I Love You So” sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.