• LUNES - BYERNES PAGKATAPOS NG TV PATROL
  • LUNES - BYERNES PAGKATAPOS NG TV PATROL
Jane, kaaway o kakampi ni Coco sa FPJ’s Ang Probinsyano?

Sa patuloy na pagluluksa ni Cardo (Coco Martin) sa pagkamatay ng pinakamamahal niyang asawa na si Alyana (Yassi Pressman), nakatakdang magdala ng sunod-sunod na pagbabago sa buhay niya si Pol. Capt. Lia (Jane de Leon) sa mga umiinit na tagpo sa FPJ’s Ang Probinsyano.

 

Nagpasalamat si Jane sa suporta ng viewers para sa bago niyang karakter bilang sniper at isa sa mga lider ng grupong Black Ops, na ayon sa kanya ay malayo pa ang lalakbayin sa serye.

“Sobrang nagustuhan ko ang role kasi may pagkabrusko si Lia, sobrang approve talaga sa akin. Ang inaabangan ko talaga dito ang makaeksena si Coco. Maraming aabangan sa amin. Ano ang magiging parte ko, magiging kontrabida o kakampi ba ako ni Cardo Dalisay?” patikim ni Jane sa media conference niya noong Biyernes (Pebrero 5).

Bilang baguhan naman sa FPJ’s Ang Probinsyano, itinuro namang dahilan ni Jane ang pamumuno ni Coco bilang creative director ng serye at ang pagsasama ng lahat mula production staff hanggang mga artista.

“Si Coco po talaga, sobrang talino niyang tao. Napaka-creative po niya at magaling gumawa ng story, hindi lang para sa kanya pero sa ibang characters na involved sa serye. Ang pakikisama rin ng lahat ng tao mapa-staff, mapa-camera men, mga direktor at artista, hindi nila pinapabayaan ang isa’t isa lalo na ang show. Doon ko nakita kung bakit tumagal ang serye,” ayon kay Jane.

Sa pagpapatuloy ng kwento, hindi pa rin titigil ang Black Ops sa pagtugis kay Cardo habang patuloy na inaalam ni Lia ang nakaraan ni Cardo para makilala ang totoong pagkatao nito.

Habang nagdurusa naman si Cardo sa pagkamatay ni Alyana, masama naman ang loob sa kanya ng ilang miyembro ng Task Force Agila dahil sa gulong kinasasangkutan nila ngayon. Sampal din ang inabot ni Cardo mula sa nanay ni Alyana, na matindi pa rin ang galit sa kanya at sinisisi siya sa hirap na pinagdadaanan ng kanilang pamilya.

 

Samantala, bitag pa rin nina Arturo (Tirso Cruz III) at Lily (Lorna Tolentino) sina Diana (Angel Aquino) at Mang Teddy (Joel Torre) na patuloy nilang pinahihirapan para ituro kung saan ang kinaroroonan ni Cardo.

 

Ano ang magiging plano ni Cardo sa lahat ng problemang kinakaharap niya? Madiskubre kaya ni Lia ang totoong dahilan ng pagtugis ng Black Ops kay Cardo?

Patuloy na sinusubaybayan ng mga Kapamilya ang action-drama series, na humakot ng  pinakamataas na live viewership record sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment sa higit 102,000 peak concurrent viewers sa episode nito noong Enero 25.

Panoorin ang FPJ’s Ang Probinsyano sa A2Z channel sa free TV at sa digital TV boxes gaya ng ABS-CBN TVplus. I-scan lang ang digital TV boxes para hanapin ang A2Z channel na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga. 

Patuloy din itong napapanood mula Lunes hanggang Biyernes, 8 PM sa CineMo at Kapamilya Channel sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa). Maaari ring subaybayan ito sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.