• LUNES - BYERNES PAGKATAPOS NG TV PATROL
  • LUNES - BYERNES PAGKATAPOS NG TV PATROL
Coco at Yassi hiwalay na sa “FPJ’s Ang Probinsyano”

 

Nadurog ang damdamin ng mga manonood sa mismong araw ng mga puso (Pebrero 14) dahil ang muling pagkikita nina Cardo (Coco Martin) at Alyana (Yassi Pressman) ang siya ring nagmarka ng pagtatapos ng kanilang pagsasama sa FPJ’s Ang Probinsyano.

 

Umabot na sa sukdulan ang pagtitiis ni Alyana para sa asawang si Cardo kaya naman nagdesiyon na itong tapusin ang kanilang ugnayan. Nangyari ito matapos malagay sa panganib ang buhay ni Alyana nang habulin siya ng mga hindi kilalang bandido, at imbes na si Cardo, si Marco (JC Santos) ang dumating para iligtas siya.

 

Sa muli nilang pagkikita, sinariwa nila ang lahat ng kanilang mga masasayang alaala at maging ang kanilang pangako para sa isa’t-isa. Ngunit hindi naging sapat ang mga ito upang panatilihin pa ang kanilang relasyon dahil mas pinili ni Alyana ang kaligtasan ng kanyang buhay at pamilya.

 

Samantala, nakiramay naman sa madamdaming eksena ang netizens at ibinahagi ang kanilang paghanga sa mahusay na pagganap ng mga bida.

 

“Nasa huli talaga ang pagsisisi. Masakit na aral para kay Cardo, pero kailangan ipaglaban niya si Alyana hanggang sa huli,” sabi ng Twitter user na si @JohnRonP.

 

“Puno ng kirot at kurot sa damdamin! Yung line na ‘tapusin na natin…’ ang bigat! Ang sakit,” tweet naman ni @AnneDeTorres.

 

“Sa loob ng halos dalawang taon niya sa ‘Probinsyano,’ ang laki na talaga ng improvement ni Yassi sa pag-arte. Talagang nakakasabay na siya kay Coco,” komento naman ng YouTube user na si John Gonzales.

 

Tinutukan din ng mas maraming manonood ang naturang episode dahil nagkamit ito ng national TV rating na 38.4%, kumpara sa katapat nitong serye na “Sherlock Jr.,” na nakakuha lang ng 17.5%, ayon sa datos ng Kantar Media.

 

Tutukan ang maaaksyong tagpo sa nangungunang serye sa bansa, ang FPJ’s Ang Probinsyano, gabi-gabi sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para mapanood ang past episode ng palabas, mag-log in lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.