Naging masaya ang episode ng Everybody, Sing! noong Sabado (Hulyo 17) dahil muling nagpaulan si Vice ng P100,000 para naman sa kapwa niyang mga komedyante, kabilang ang mga kaibigang sina Chad Kinis, MC, at Lassy.
Naging maganda ang simula ng songbayanan na comedy bar performers kaya nakaipon sila ng 102 segundo para sa jackpot round, na siyang pinakamataas na naitala sa programa. Subalit sa jackpot round, siyam na tamang sagot lang ang nakuha ng grupo na may katumbas na P45,000 na premyo.
“Hindi ko kayang matanggap [na hindi nanalo sa jackpot round] so I’m giving P100,000 para paghahatian ninyong lahat,” sabi ni Vice na naka-costume naman bilang si Big Bird.
Mensahe pa niya sa comedy bar performers, “Walang susuko. Alam ko maraming nalulungkot, maraming nade-depress, pero tatapusin natin ito at tayo ang mananalo rito. I love you all so much,” emosyonal na mensahe niya sa songbayanan ng comedy bar performers.
Aling songbayanan kaya ang susunod na mananalo ng kalahating milyon? Abangan ang Everybody, Sing! kasama si Vice Ganda at ang resident band na Six Part Invention tuwing 7 pm ng Sabado at Linggo sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.