Tinamaan ng suwerte ang isang grupo ng bus, jeepney, at tricycle drivers ilang araw bago muling sumailalim sa Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila at ibang lugar sa bansa matapos magwagi ng P500,000 sa “Everybody, Sing!” noong Linggo (Agosto 1) sa Kapamilya Channel at A2Z.
IN PHOTOS: Vice Ganda as Little Red Riding Hood on Everybody Sing
“Ang sarap makita na ang drivers natin ngayon ay nagbubunyi at nagdidiwang. Matagal-tagal na rin kayong hirap. Matagal-tagal na rin kayong kumakapit sa pag-asa kahit lihim na umiiyak at nagdudusa. Deserve n'yo 'to. Para sa inyo at para sa mga pamilya n'yo,” sabi ng host na si Vice Ganda, matapos niyang ianunsyo na ang mga tsuper ang pinakabago at ikaapat na jackpot winner ng unang community singing game show sa bansa.
Mabilis na humataw at humarurot ang mga drayber sa jackpot round, kung saan agad nilang nabigay ang tamang titulo ng pito sa sampung kantang pinahuhulaan, at dalawa pa sa ikalawang subok nila. Subalit, tila na-stranded ang mga ito sa ika-anim na awitin, na hindi mahulaan ng marami sa kanila. Sa wakas, bago maubos ang kanilang oras, nahulaan na rin ng isa sa mga songbayanan, si Bryan, ang klasikong kanta ni Sharon Cuneta na “Sana’y Wala Nang Wakas.”
“Meme Vice sobrang tuwa po. Kahit pagod kami sa paghahanapbuhay pero malaking bagay po ang inyong programa,” sabi ng tsuper na si Cris, habang nagtalunan ang kanyang mga kasama at ang iba ay nangingilid ang luha sa tuwa.
Tulad sa mga naunang episode, kinagiliwan ni Vice Ganda ang pakikipagkuwentuhan sa mga kalahok sa gitna ng mga round. Bukod sa mas naintindihan niya ang kanilang mga trabaho, pangarap, at mga karanasan, napapasaya niya rin sila sa kanyang mga kwelang tanong tulad nang, sino ba ang mas sweet lover sa mga tsuper at tunay na hari ng kalsada.
“Maraming-maraming salamat sa mga mukha ninyo na punong-puno ng pakikibaka, pag-asa at pagmamahal. Maraming, maraming salamat sa inyo, sa mga istorya ninyo. maraming salamat sa pakikisalamuha niyo sa akin,” sabi pa niya sa kanila.
Makisama sa masaya at maKantang weekend bonding ngayong Sabado at Linggo ng 7 pm kasama sina Vice Ganda at resident band na Six Part Invention sa bagong episodes ng programa tampok ang songbayanan ng mga seafarer at mga labandero at labandera sa Kapamilya Channel, A2Z, TFC, Kapamilya Online Live, at iWantTFC. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa A2Z ang mga bagong episode ng “Everybody, Sing!.”