Mistulang nanalo ng gintong medalya ang songbayanan na call center agents sa “Everybody, Sing!” matapos nilang tagumpay na mahulaan ang lahat ng awitin sa jackpot round para manalo ng P500,000 noong Linggo (Agosto 22) sa Kapamilya Channel at A2Z.
Tulad ni Hidilyn Diaz, na siyang ginaya ni Vice Ganda noong gabing iyon, naging emosyonal ang 25 kalahok mula sa industriya ng BPO (business process outsourcing) nang makuha nila ang panalo sa una at tanging community singing game show sa bansa.
“Masaya lang ako kasi for a very long time na nagwo-work kami sa BPO, we’re being degraded by a lot of people. They just think na nagpupuyat lang kami na nagyoyosi lang kami during our break times, lunch time, pero hindi nila alam we are doing this for our family. Na beyond those confidence na meron kami habang nati-take kami ng call is ‘yung fear na baka mawalan kami ng trabaho because of the pandemic. But then ito, we deserve this. We deserve this,” ani Maki, isa sa mga call center agent na nagwagi.
Nagpahayag naman ng paghanga sa kanila si Vice.
“Ang hirap ng trabaho n'yo ah. Marami akong kakilala nasa call center. I admire you. I salute you.”
Dagdag pa ni Vice, “Itong industriya n'yo, itong BPO, ang laking pera ang pinapasok nito sa ekonomiya. Madaming nabigyan ng trabaho kahit ‘yung mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral.”
Bago ito, masayang naka-kwentuhan at harutan ng Unkabogable Phenomenal Box-Office Superstar ang mga contestant, kabilang ang isang Vice Ganda fangirl na si Joniss.
Sa simpleng tanong niyang “kumusta ka” sa kanyang idolo, ito ang nakuha niyang sagot.
“I am not perfectly okay. But I am okay. Happy ako kasi sa likod ng maraming nangyayari nakakatawa pa rin ako. Higit sa lahat ang nakakapagpasaya sa akin, napapa-happy ko ‘yung nanay ko. Kaya okay ako. Hindi perfect ang life pero I am winning,” ani Vice.
Abangan ang “Everybody, Sing!” tuwing Sabado at Linggo, 7 pm sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.