Mas kapanapanabik ang magiging kantahan ng mga player mula sa iba’t ibang komunidad o ‘songbayanan’ sa pagbabalik ng “Everybody, Sing!” ni Vice Ganda dahil ginawang higit sa P2 milyon ang jackpot prize simula ngayong weekend (Hunyo 3 at 4).
Tiyak din na aapaw ang kantahan at kasiyahan tuwing weekend family time dahil magkakaroon na ito ng 100 players na magbabayanihan upang makuha ang premyo.
Noong nakaraang season ng unang community singing game show ng bansa, napanood ng mga viewer ang pagtutulungan ng 50 players upang mapanalunan ang P1 milyon na jackpot prize. Ilan sa mga nagwaging ‘songbayanan’ ay ang mga bartender, gas station worker, at bank employee.
Dapat pa rin abangan ang mga kabogerang outfit ni Vice sa pangatlong season ng “Everybody, Sing!” na hinuhugot ang inspirasyon batay sa hanapbuhay ng tampok na ‘songbayanan.’ Unang sasalang ngayong weekend ang 'songbayanan' ng mga police officer.
Magkakaroon na rin ng celebrity guests kada weekend na kakanta kasama ang bandang Six-Part Invention. Ngayong weekend, unang sasalang si “The Voice Kids Season 5” coach KZ Tandingan at ang mga komedyanteng sina Divine Tetay at Petite.
Makuha kaya ng unang ‘songbayanan’ ang jackpot prize? Abangan ‘yan sa “Everybody, Sing!” tuwing alas 7 ng gabi kada weekend sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, and TV5. Available rin ito sa iWantTFC at TFC.