• MONDAY - FRIDAY AFTER THE IRON HEART
  • MONDAY - FRIDAY AFTER THE IRON HEART
Kapamilya revenge drama na Dirty Linen

Kaya pa bang manaig ang pagmamahalan sa isang relasyong nadungisan ng kasinungalingan?

Sukdulan na ang paghihiganti ni Janine Gutierrez upang maningil ng hustisya laban sa makapangyarihang pamilya ni Zanjoe Marudo sa pinaka-pamatay na Kapamilya revenge drama na “Dirty Linen,” tampok ang award-winning cast na pinangungunahan nina Seth Fedelin, Francine Diaz, Zanjoe, at Janine.

Ang “Dirty Linen” ay sa ilalim ng direksyon nina Onat Diaz at Andoy Ranay, at mapapanood na ito simula ngayong Enero 23 ng 9:30 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.

Susundan ng kwento nito ang paghihiganti ni Alexa (Janine) sa pamilya Fiero, ang pinakamayaman at makapangyarihang pamilya sa bayan ng El Hambra, matapos ang biglaang pagkawala ng kanyang inang si Olivia (Dolly De Leon).

Lalong mababalot ng hinagpis at galit si Alexa dahil naniniwala siyang pinatay na ng mga Fiero ang kanyang ina at ipinapalabas lang nila na tumakas ito dahil sa pagnanakaw. Dahil dito, dahan-dahang pa-planuhin ni Alexa ang kanyang paniningil ng hustisya at mamamasukan siya bilang katulong ng pamilya Fiero. 

Makakahanap din si Alexa ng kakampi na itinuturing na niyang pangalawang pamilya kina Rolando (Joel Torre), Lala (Jennica Garcia), Max (Christian Bables), at Nico (Seth). Magiging tanging pakay ng grupo nito ang pabagsakin ang mga Fiero dahil sila ang dahilan kung bakit nagdusa ang kanilang mga mahal sa buhay. 

Magpapalit ng pagkakakilanlan si Alexa bilang Mila at gagawin niya ang lahat upang mabulgar ang lahat ng baho at itinatagong sikreto ng buong pamilya Fiero. Hindi magiging madali ang paghihiganti ni Alexa dahil makakabangga niya si Cielo (Tessie Tomas), ang mayordoma ng pamilya, sina Feliz (Angel Aquino) at asawang si Ador (Epy Quizon), ang ‘sabong king’ na si Carlos (John Arcilla) at asawang si Leona (Janice de Belen), at mga anak nitong sina Aidan (Zanjoe) at Chiara (Francine). 

Sa kabila ng paghihiganti ni Alexa, maaaring maging hadlang sa kanyang misyon ang biglaang pagiging malapit niya kay Aidan, na posibleng mauwi rin sa pag-iibigan. Hanggang saan dadalhin si Alexa ng kanyang paghihiganti kapag nalaman niyang mas marami pa pa lang karumaldumal na sikreto at iba’t ibang eskandalo ang kinasasangkutan ng pamilya Fiero?

Makakasama rin sa powerhouse cast ng “Dirty Linen” sina JC Santos, Xyriel Manabat, Raven Rigor, Andrea Del Rosario, CJ Navato, Rans Rifol, Raphael Robes, at Rubi Rubi. May special participation din sina Susan Africa, Soliman Cruz, Liza Diño, Karl Medina, at Ruby Ruiz.

Ang “Dirty Linen” ang unang pagtatambal nina Janine at Zanjoe, at ito rin ang unang pagsasama nina Seth at Francine bilang love team. Magsisilbi rin itong unang Kapamilya teleserye ni Jennica.

Huwag palampasin ang pagsisimula ng “Dirty Linen” ngayong Enero 23 ng 9:30 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “Dirty Linen.” Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.