Daniel, nadulas sa estado nila ni Erich sa "Kapamilya Deal or No Deal"
Pormal nang inamin nina Daniel Matsunaga at Erich Gonzales ang kanilang relasyon sa episode kahapon (June 3) ng hit game show na “Kapamilya Deal or No Deal.”

Pagkapakilala sa kanila ni Luis Manzano bilang special players, inusisa agad ng batikang host ang tunay na namamagitan sa kanila.

Habang nagpapaliwanag kung ano ang kwento sa likod ng tawagan nilang Spartan at Spartan baby ay biglang nadulas si Daniel at nasabi ang mga salitang “Well noong naging kami…” Agad namang nag-react si Luis at sinabing tapos na ang usapan dahil nanggaling na mismo sa bibig ni Daniel na sila na ng Kapamilya actress.
“Yes, she’s my girlfriend na,” bawi ni Daniel.

Humingi naman ng reaksyon si Luis kay Erich tungkol sa pagiging proud ni Daniel na sabihin sa mundo na girlfriend siya nito. Natatawang sinabi ni Erich, “Ako din naman siyempre.”

Noon pa man ay marami na ang ispekulasyon sa kanilang relasyon lalo pa’t panay ang post nila ng sweet photos sa Instagram. Ngunit sa kabila nito ay walang ginawang tahasang pag-amin ang dalawa.

Matapos ang kinakikiligang DanRich tandem, maglalaro rin sa espesyal na episodes ng “KDOND” sina Melai Cantiveros at Jason Francisco, Yeng Constantino at Robi Domingo, at sina Jake Cuenca at Arci Munoz. May mag-uwi kaya sa kanila ng milyon? Sino kaya sa nagbabalik na batch 1 hanggang 4 na Lucky Stars ang may hawak ng halagang babago sa kanilang kapalaran?

Pakatutukan ang “Kapamilya Deal or No Deal” 5PM sa ABS-CBN. Para sa updates, sundan ang @KDONDph sa Instagram at Twitter o bisitahin ang official website nito sa http://kapamilyadealornodeal.abs-cbn.com.

Samantala, maaari na ring panoorin ang full episodes o past episodes ng “Kapamilya Deal or No Deal” gamit ang ABS-CBNmobile. Pumunta lamang sa www.abscbnmobile.com para sa karagdagang impormasyon.