• LUNES - BYERNES PAGKATAPOS NG TV PATROL
  • LUNES - BYERNES PAGKATAPOS NG TV PATROL
Jane De Leon, lilipad na sa primetime bilang si Darna!

Makabagong paglalahad ng kwento ng iconic Pinay superhero na si Darna na umaapaw sa katapangan, inpirasyon, at pagmamahal sa kapwa at pamilya ang matutunghayan ng mga manonood sa "Mars Ravelo's Darna simula Lunes (Agosto 15), 8 pm sa Kapamilya Channel, A2Z, Jeepney TV, at TV5.

“Ito na po ang pagkakataon namin para ipakita sa buong mundo ang pinaghirapan ng production, lahat ng cast, mapa-staff at directors. Matagal na rin po itong hinintay ng sambayanang Pilipino,” ayon sa bidang si Jane De Leon na gagampanan ang papel ni Narda Custodio at ang superhero alter-ego niyang si Darna.

“Marami po kayong aabangan pagdating sa effects, costumes, villains, at syempre sa bagong istorya ng ‘Darna,’” dagdag ng aktres sa ginanap na Darna Grand Media Conference noong Lunes (Agosto 8).

Nagbigay naman ng sorpresang video message ang Star for All Seasons na si Vilma Santos sa event. “'Yung pagiging Darna, relevant 'yan, lalo na ngayon na napupuno tayo ng challenges sa buhay. Ang karakter niya ay nagbibigay ng inspirasyon sa mga tao.” Dagdag mensahe pa ng batikang aktres na bumida sa apat na Darna movies, “Jane, na sa’yo na ang bato, Pangalaan mo 'yang mabuti. Maging ehemplo ka ng henerasyon ngayon.”

Iikot ang kwento ng programa sa buhay ni Narda na isang emergency medical technician (EMT) na nagsisikap bilang breadwinner ng pamilya Custodio. Nakatadhana siyang maging protektor ng mahiwagang bato na nagbibigay pagkakataon sa kanyang magtransform bilang si Darna na nagtataglay ng mga natatanging abilidad para makatulong sa mga nangangailangan.   

Kasama ni Jane sa pinaka-inaabangang serye ng taon mula sa ABS-CBN Entertainment sina Iza Calzado bilang si Leonor, ang unang Darna at ina ni Narda; Janella Salvador bilang ang vlogger at lawyer na si Regina at ang mortal na kaaway ni Darna na si Valentina; Joshua Garcia bilang ang police officer na si Brian; at Zaijian Jaranilla na gagampanan ang papel ni Ding, ang computer geek na kapatid ni Narda.

Kabilang din sa cast ng serye sina Paolo Gumabao, Rio Locsin, Richard Quan, Simon Ibarra, Jeffrey Santos, Eric Fructuoso, Levy Ignacio, at marami pang iba.

Mula sa direksyon nina Master Director Chito S. Roño, Avel Sunpongco, at Benedict Mique ang “Darna” na prinodyus ng JRB Creative Production unit ng ABS-CBN. Base ito sa karakter ni Darna na binuo ng legendary Pinoy komiks creator na si Mars Ravelo. 

Nagbahagi si Direk Chito tungkol sa Darna ng bagong henerasyon. “I’m very pleased not only that [Jane] she focused, not only that she concentrated, she has done very well as an actress for ‘Darna,’” papuri niya.

Inanunsyo rin kamakailan na ang P-pop boy group na BGYO ang siyang kakanta ng official soundtrack ng “Darna” na may titulong “Patuloy Lang Ang Lipad” na nakatakda na ring ilunsad sa mga susunod na araw.

Mapapanood na ang programa mula Lunes hanggang Biyernes simula August 15, 8 pm sa Kapamilya Channel, A2Z, Jeepney TV, at TV5. Pwede rin itong panoorin sa Kapamilya Online Live, iWantTFC, at The Filipino Channel.