Pulot mula sa Teleserye Tatay: Be My Lady's Emil
Ang ama ang haligi ng tahanan. Siya ang tagapaglaan ng ating mga pangangailangan, tagapagtanggol, tagapangaral at tagadisiplina. Sa kaniyang halimbawa at mga payo ay maraming leksiyon ang mapupulot na magagamit natin sa ating mga buhay.

At isa sa mga huwarang ama sa telebisyon ngayon ay ang teleserye dad na si Tatay Emil (Al Tantay) mula sa “Be My Lady.” Mapagmahal, mahinahon at makatwiran, si Tatay Emil ay maituturing na ”dream dad.” Ang kaniyang mga turo ay talaga namang tagos-sa-puso at inaabangan ng mga tagasubaybay ng “Be My Lady.”

Ngayong nalalapit na ang Father’s Day ay balikan natin ang ilan sa mga aral na mapupulot mula kay Tatay Emil.

Tatay Emil at Pinang, nagkaayos na

Hindi man nagustuhan ni Tatay Emil ang pagbibigay ng bulaklak ni Phil (Daniel Matsunaga) sa anak na si Pinang (Erich Gonzales) ay hindi pa rin niya hinayaan na itapon ng dalaga ang everlasting flowers. Ayon sa kaniya ay hindi niya tinuruan ang mga anak na magtapon ng mga bagay na ibinigay ng ibang tao. Dagdag pa ni Tatay Emil, “Ang mga bagay na bigay sa atin dapat pinahahalagahan.” 

 

Pinang, naluha sa pangaral ni tatay Emil

Bilang maliit na gantimpala para sa mahabang panahon ng pagtitiyaga at paghihirap ni Pinang para sa kaniyang Nursing Board Exam ay inabutan ni Tatay Emil ang anak ng pera upang makapalabas naman ito kasama ang mga kaibigan. Ipinakita ni Tatay Emil na ang pagiging mapagbigay ng isang ama ay walang hangganan. 

 

Phil, naluha habang kausap si tatay Emil 

Tiniyak ni Tatay Emil kay Phil na parang anak na nila ni Nanay Marcy (Janice de Belen) ang binata. Ipinaliwanag niya dito na bilang mga magulang ay mas masaya sila kapag ang mga anak ay susulong sa mas makabuluhang mga bagay. Wala nga namang ibang hangarin ang isang ama kung hindi ang ikabubuti at ikauunlad ng kaniyang mga anak.

 

Tatay Emil, pinangaralan ang anak na si Mackie

Maging sa pakikitungo sa iba ay may pangaral din si Tatay Emil para sa anak na si Mackie (RK Bagatsing). Ayon sa kaniya ay hindi dapat pinapalaki ang gulo at problema. 

 

Emil, Pinang assure Marcy that they will be there for her

Ipinagtapat ni Nanay Marcy ang nangyari sa kaniya sa Singapore. Iginiit nito sa kaniyang pamilya na hindi niya ninakaw ang kuwintas gaya ng ibinibintang sa kaniya. Bilang ama ng tahanan ay pinanatag ni Tatay Emil ang loob ng asawa at tiniyak dito na ang mahalaga ay magkakasama na silang muli.