• LUNES - BYERNES PAGKATAPOS NG TV PATROL
  • LUNES - BYERNES PAGKATAPOS NG TV PATROL
Batang Quiapo cast dinagsa sa Plaza Miranda

Mainit ang pagtanggap ng viewers sa pagbabalik-serye ng Hari ng Primetime na si Coco Martin matapos dumagsa ang fans sa Plaza Miranda para sa live public viewing ng "FPJ's Batang Quiapo" noong Lunes (Pebrero 13).

Nakasama ng fans sa libreng public viewing si Coco at ang ilang cast members ng "FPJ's Batang Quiapo" tulad nina Cherry Pie Picache, McCoy de Leon, Miles Ocampo, Sen. Lito Lapid, at Christopher de Leon, kung saan sabay-sabay nilang pinanood ang maakysong pilot episode na umabot ng halos isang oras.

Taos-pusong nagpasalamat si Coco sa walang sawang suporta na ibinibigay ng mga manonood at sabi niyang, “Nakakatuwa kasi na-appreciate nila ‘yung pinaghirapan namin. Kasi talagang dugo at pawis ang pinagpuhunan namin para mapaganda namin ‘yung palabas ngayon. Susulitin namin ‘yung pagmamahal na ibinibigay nila sa amin.”

Top trending topic din sa Twitter sa Pilipinas ang official hashtag na #FPJsBatangQuiapoDay na nakakuha ng higit 22,000 tweets, habang trending din si Coco, "Primetime King Is Back,” at “Plaza Miranda.” Nakasama naman si Miles sa worldwide trending list para sa nakakaantig niyang pagganap bilang isang babaeng biktima ng rape. 

Napanood sa pilot episode ng "FPJ's Batang Quiapo" ang umaatikabong sagupaan matapos mabigo ang pagnanakaw ni Ramon (Coco). Dahil dito, naging desperado si Ramon na manatili ang linya ng kanyang pamilya kaya ginahasa niya si Marites (Miles), isang inosenteng babae na hindi niya kaano-ano. Sa pagsilang ni Marites ng kanyang anak, makikilala na ng viewers ang astig na karakter ni Tanggol (Coco).

Huwag palampasin ang maaksyong pagbabalik ni Coco sa “FPJ’s Batang Quiapo,” na hango sa orihinal na kwento ng Regal Films, gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng ““FPJ’s Batang Quiapo.” Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.