Nagbabalik na ang Hari ng Primetime na si Coco Martin para bigyang-buhay ang isa na namang dekalibreng obra ni Fernando Poe Jr. na “FPJ’s Batang Quiapo,” na mapapanood simula Pebrero 13 ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Pagkatapos ng makasaysayang seven-year run bilang Cardo Dalisay sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” muling sasabak si Coco sa mga makapigil-hiningang bakbakan bilang ang matapang at astig na tagapagtanggol ng bayan na si Tanggol/Baldo sa “Batang Quiapo.”
Isang star-studded cast ang makakasama ni Coco sa serye, kabilang na ang anak ni FPJ na si Supreme Actress Lovi Poe. Ito rin ang kauna-unahang FPJ title kung saan gaganap si Lovi.
Ang “Batang Quiapo” ang magsisilbing unang sabak ni Coco bilang aktor, co-director, at co-producer sa ilalim ng CCM Film Productions kung saan ipapakita ng serye ang kagandahan ng lugar at iba’t ibang mga kwentong Pilipino mula sa Quiapo.
Mapapanood sa action-comedy series si Coco bilang si Tanggol/Baldo, isang pasaway ngunit mapagmahal na anak sa kanyang nanay (Cherry Pie Picache), tatay (John Estrada), lola (Charo Santos), at nakababatang kapatid (McCoy de Leon). Gagampanan naman ni Lovi si Mokang, ang magandang kaibigan ni Tanggol na magpapakilig bilang kanyang “partner in crime.”
Pagbibidahan din ito nina Benzon Dalina, Mark Lapid, Ronwaldo Martin, Jojit Lorenzo, Ping Medina, Mercedes Cabral, Alan Paule, Lou Veloso, Susan Africa, Pen Medina, Lito Lapid, Irma Adlawan, at Christopher de Leon, kasama ang co-director ni Coco na si Malu Sevilla.
Huwag palampasin ang maaksyong pagbabalik ni Coco sa “FPJ’s Batang Quiapo” gabi-gabi ng 8 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, iWantTFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng ““FPJ’s Batang Quiapo.” Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.