Isang bagong barkada ang magbibigay ng pag-asa at aral sa mga manonood sa bagong serye ng ABS-CBN na Bagong Umaga, na mapapanood tuwing hapon simula Oktubre 26 (Lunes) sa A2Z c hannel 11 , Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live.
Tampok sina Tony Labrusca, Barbie Imperial, Kiko Estrada, Michelle Vito, Yves Flores, at Heaven Peralejo, iikot ang serye sa anim na kabataan na magkakabit ang kwento dahil sa kani-kanilang nakaraan.
Hinubog ng nakaraan ng kanyang pamilya, lalaking matapang at walang inuurungan ang dalagang si Tisay (Heaven). Sa kabila ng pagsubok, gagawin niya ang lahat para magtagumpay sa buhay kasama ang kanyang magulang na sina Jose (Keempee de Leon) at Monica (Nikki Valdez), ang kinakapatid na si Dodong (Yves) at bestfriend na si Angge (Michelle).
Dahil sa pananaw ng dalaga sa buhay, mahuhulog sa kanya ang binatang si Ely (Tony) na gustong makapagtapos sa pag-aaral at maging doktor para ilayo ang inang si Irene (Bernadette Alisson) at kapatid na si Gab (Ali Abinal)sa mapang-aping amang si Matthew (Richard Quan).
Ngunit hindi magugustuhan ng bestfriend ni Ely na si Cai (Barbie) ang mamumuong pagtitinginan ng dalawa at gagawa siya ng paraan para ipaglayo sila kahit pa gamitin niya si Dodong.
Mas gugulo pa ang kanilang pagkakaibigan sa pagpasok ni Otep (Kiko) na pipilitin naman mapalapit kay Tisay para maghiganti dahil sa isang mapait na nakaraan.
Sa pagkakaibigan nila na puno ng pagkukunwari, inggitan, at galit, may tsansa kaya mauwi ang barkada sa tunay na pagkakaibigan? Anu-ano pa kaya ang mga lihim na magdidikit sa kanila?
Makakasama rin ng barkada ang mga premyadong aktor na sina Sunshine Cruz, Cris Villanueva, Glydel Mercado at Rio Locsin.
Sa ilalim ng produksyon ni Rizza G. Ebriega, isa na namang hindi malilimutang kuwento ang mapapanood ng mga Kapamilya at susunod sa mga naging matagumpay at dekalibreng mga serye ng produksyon katulad ng Nang Ngumiti Ang Langit at Pamilya Ko.
Huwag palampasin ang pilot week nito na mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes, 2:30 PM sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV (SKYcable channel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa).
Available din ito sa A2Z channel 11, na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga. Maaari rin itong mapanood sa iba’t ibang cable TV at satellite TV providers sa buong bansa.
Ito rin ay nasa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iwant app o iwanttfc.com.