Laking gulat ng mga manonod nang mamatay ang karakter ni Sofia Andres na si Mayari sa hit fantaserye ng ABS-CBN na Bagani noong Huwebes (Abril 5) ng gabi.
Hindi inaasahan ng lahat na malalagasan agad ng isang miyembro ang grupo ng mga bagani matapos ibuwis ni Mayari ang sariling buhay maprotektakahan lang ang mga kapwa taga-laot mula sa hagupit ng nakalaya ng si Sarimaw (Ryan Eigenmann).
Maging sina Lakas (Enrique Gil) at Ganda (Liza Soberano) ay hindi makapaniwala sa balitang hatid ni Dumakulem (Makisig Morales) na nasaksihan mismo kung paano namatay si Mayari sa isang tama ng kidlat.
Bagamat nagdadalamhati ay hindi hahayaan ng tatlong bagani na mapunta sa wala ang pagkamatay ni Mayari dahil ito ngayon ang nagsisilbing motibasyon nila na muling magkaisa at gampanan ang responsibilidad na iniatang sa kanila ng buo ang puso at loob.
Simula pa lang ng kwento ay kinakatawan na ni Mayari ang isang babaeng puno ng pag-asa at pangarap. Bagamat isang alipin sa kanilang rehiyon ay nanindigan siya sa paniniwalang magkakaron din na pantay na trato ang lipunan sa kanila. Sinikap niyang patunayan ang sarili at naging totoo sa sinasabi ng kanyang puso.