Pitong magigiting na sundalo ang magpapamalas ng matatag na kapatiran at magpapatunay na hindi hadlang ang pagkakaiba para magturingang magkadugo sa A Soldier’s Heart, na mapapanood simula Enero 20 (Lunes).
PHOTOS: A Soldier’s Heart Special Screening and Presscon
Matutunghayan sa A Soldier’s Heart ang matibay na samahan nina Alex (Gerald Anderson), Elmer (Vin Abrenica), Benjie (Yves Flores), Abe (Carlo Aquino), Michael (Nash Aguas), Phil (Jerome Ponce), at Jethro (Elmo Magalona) na may iba’t-ibang rason sa pagpasok sa militar ngunit pinagbuklod ng iisang dahilan sa pagiging sundalo — ang ipagtanggol ang bayan.
Makakasama din nila sa laban ang nag-iisang babae sa grupo na si Lourd (Sue Ramirez) na patutunayang hindi hadlang ang kasarian para makapaglingkod sa bayan.
Sama-sama nilang dadaanan ang hirap, saya, at tagumpay ng pagiging sundalo na magpapalalim sa kanilang mabubuong kapatiran. Ngunit sa gitna ng kanilang pakikipagbakbakan, isa-isang lilitaw ang mga katotonahang taliwas sa kanilang paniniwala na siyang mag-iiwan ng mga katanungan kung dapat pa bang ipaglaban ang bayang pinaglilingkuran.
Sa kanilang laban para sa katarungan, alin ang kaya nilang isakripsyo — pamilya, kapatiran, paniniwala, o sarili?
Isang napapanahong serye ang “A Soldier’s Heart” sa pagtalakay nito sa mga suliranin ng mga sundalo, na itinuturing na makabagong mga bayani sa pag-alay nila ng kanilang sarili upang mapagsilbihan ang mga Pilipino. Ang serye rin ang marka ng unang pagsasama sa telebisyon ng ilan sa mga pinakamahuhusay na aktor ng kani-kanilang henerasyon na sina Gerald, Vin, Yves, Elmo, Nash, Jerome, at Carlo, na ipapamalas ang galing sa pag-arte sa primetime.
Kasama rin sa A Soldier’s Heart ang mga beteranong bituin na sina Ariel Rivera, Irma Adlawan, Raymond Bagatsing, Sid Lucero, Rommel Padilla, Mickey Ferriols, Nikki Valdez, at Ketchup Eusebio. It ay sa ilalim ng direksyon ni Richard Romes at panulat ni Jerry B. Gracio.
Panoorin ang A Soldier’s Heart tuwing gabi sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).