• MONDAY-FRIDAY AFTER ANG SA IYO AY AKIN
  • MONDAY-FRIDAY AFTER ANG SA IYO AY AKIN
A Soldier’s Heart, matinding laban ang hatid para sa katarungan at kapayapaan sa huling dalawang linggo

Magaganap na ang pinakamatinding engkwentrong haharapin ni Alex (Gerald Anderson) dahil buong tapang siyang makikipagdigmaan sa kanyang kapatid at mortal na kaaway na si Saal (Sid Lucero) sa pag-asang ito ang magbibigay ng katarungan at kapayapaan sa kanilang mga buhay sa huling dawalang linggo ng A Soldier’s Heart.

Matapos ang pagkamatay ng amang si Dante (Rommel Padilla), buo na ang loob ni Alex na makipagtuos sa kanyang kapatid para masigurong wala nang buhay pa ang madamay sa giyera. Kasama ang mga kaibigan at kapwa sundalong sina Abe (Carlo Aquino), Michael (Nash Aguas), Benjie (Yves Flores), Phil (Jerome Ponce), Jethro (Elmo Magalona), at Lourd (Sue Ramirez), susuyurin nila ang kuta ng mga rebelde upang iligtas si Elmer (Vin Abrenica) at siguraduhing mahuli si Saal.

Ngunit hindi magiging madali ang kanilang misyon dahil iba’t-ibang panganib ang kanilang haharapin bago matunton ang mga kalaban na maglalagay sa kanilang buhay sa peligro.

Makamit kaya nila ang kapayapaang kanilang inaasam nang walang mapapahamak?

Mula nitong Enero, tinutukan na ang kwento ng A Soldier’s Heart. na sumasalamin sa katapangan at kabayanihan ng mga sundalo ng bansa, at sa nalalapit nitong pagtatapos, patuloy itong maghahandog ng pagsaludo sa kanilang hindi matatawarang serbisyo.

Napakalaking prebilehiyo para sa bida ng serye na si Gerald na gumanap bilang isang sundalo at maipakita kung paano nila inaalay ang mga buhay nila para sa bansa.

“Kapag naniniwala ka talaga sa isang bagay, ipaglalaban mo talaga ‘yan. Dahil sa mga sundalo may warriors ang bansa natin, nagsasakripisyo sila para makatulog tayo ng mahimbing. Iba ang respeto namin sa mga sundalo natin,” sabi ng aktor.

Hindi naman daw malilimutan ng pinakabatang miyembro ng cast na si Nash ang mga natutunan niya sa serye matapos makita ang hirap na dinadanas ng mga sundalo na lubos niyang kinabibiliban.

“Ang mga sundalo ang mga pinaka-humble at selfless ng mga tao. Nakita ko kung paano ang pananaw nila sa buhay. Sobrang bumilib po ako,” kwento niya.

Iba’t ibang makabuluhang isyu rin ang binigyang halaga ng serye, gaya ng pagpapakita sa karanasan at suliranin ng mga Muslim sa gitna ng mga digmaan.

This is one of the only shows in my entire career that I experienced this. We know little about the Moro’s side, and they are not so different. It’s a beautiful culture. I am so happy that we are able to celebrate that culture,” sabi ni Sid, na gumaganap bilang isang Muslim.

Naging daan din ang palabas para mapatunayang kahit ano pang sekswalidad, hindi ito hadlang para maipagtanggol ang bayan, na ipinamalas ng karakter ni Yves. Ang karakter naman ni Sue ang imahe ng mga babaeng sundalo na sumisimbolo sa tibay at katatagan ng mga Pilipina.

Napapanood ang A Soldier’s Heart., gabi-gabi sa Kapamilya Online Live at Kapamilya Channel tuwing 9:20 PM.