Watch T1419’s debut documentary “Bloom Your Hopes”

Ipinakilala na sa buong mundo ng MLD Entertainment, ang South Korean entertainment agency na nagdala ng MOMOLAND, ang pinakabagong mega boy group na hahangaan at kakikiligan ng K-pop fans – ang T1419.

Inilunsad ang naturang grupo noong Enero at kinabibilangan ng siyam na miyembro – ang Korean members nitong sina Sian, Kevin, Gunwoo, On, at leader na si Noa, at ang Japanese boys na sina Zero, Kairi, Leo, at Kio.

Pasabog naman ang music video ng official debut single nilang “ASURABALBALTA,” na sa loob lamang ng tatlong linggo ay nakakuha na agad ng 18 milyong views.

Mapapakinggan sa “ASURABALBALTA” ang paghalo-halo ng grupo ng hiphop, electronic music, at pop para ikwento ang kagustuhan nilang matupad ang kanilang mga hinihiling.

Ang “ASURABALBALTA” ay bahagi ng kanilang debut single album na “Before Sunrise Part. 1” na nilalaman din ang instrumental version ng naturang kanta at isa pang awiting pinamagatang “Butt Out.” Bukod sa mga ito, available na rin ang Japanese version ng “ASURABALBALTA” sa iba’t ibang online music streaming platforms.

Para naman lalong makilala ang grupo, masusundan ang adventures, games, at behind-the-scenes nila sa kanilang group vlogs na napapanood na sa official YouTube channels ng MLD Entertainment at T1419. Marami pang dapat na abangan ang mga tagahanga sa kanilang ikatlo at ikaapat na vlogs na malapit na ring ipalabas.

Mapapanood din sa YouTube channels ang video at dance practice videos ng “Dracula,” ang pre-debut single ng T1419, pati na ang iba pa nilang dance practice at performance videos.

Sa pamamagitan ng kanilang musika, hangarin nilang ipahayag ang pinagdadaanan ng mga kabataan sa panahon ngayon. Ayon sa MLD Entertainment, ang “T” sa pangalan ng grupo ay nangangahulugang “teenager” at ang “1419” ay galing naman sa mga edad ng boys (14 hanggang 19 taon) noong nagkakilala sila at binuo bilang grupo.

Ang sister group ng T1419 na MOMOLAND ay co-managed ng ABS-CBN sa Pilipinas.

Para makakuha ng updates, sundan lang ang grupo sa @T1419_official sa Twitter at Instagram, at mag-subscribe sa T1419 YouTube channel at sa  YouTube channel ng MLD Entertainment.