KarJon Dear MOR Celebrity Specials

Boses nina Karina Bautista, Aljon Mendoza at ilan pang Kapamilya stars ang mapapakinggan sa "MOR Celebrity Specials," kung saan 12 iba't ibang kwento ng pag-ibig ang matutunghayan simula Hunyo 10 (Biyernes) hanggang Agosto 26 (Biyernes).

Isang level up experience ang hatid ng isa sa mga nangungunang podcast sa Spotify na "Dear MOR" sa viewers nito dahil mapapanood ang "Dear MOR Celebrity Specials" sa YouTube channel ng MOR.

Sa season premiere nito ngayong Biyernes, sisimulan ng programa ang kanilang celebrity special sa kwento nina Cherry (Karina) at Jake (Aljon) na pinamagatang "The Brokenhearted." Elementary pa lang ay may pagtingin na si Cherry para kay Jake. Sa darating na Biyernes (Hunyo 10), alamin kung hanggang saan aabot ang kanyang pagtingin sa binata at kung mamahalin ba siya nito.

Dalawang taong naniniwala na may true love sa dating apps ang gagampanan ng dating "PBB" housemates na sina Kiara Takahashi at Benedix Ramos sa "It's A Match." Sa pagtatagpo ng kanilang landas, mapatunayan kaya nila ang kanilang paniniwala? Panoorin at pakinggan ang kanilang storya sa Hunyo 17 (Biyernes).

Ipapahiram naman ni Vivoree Esclito ang kanyang boses sa "Click Tayo." Bibida siya rito bilang isang tiktoker na mahilig kumanta at sumayaw. Sa kanyang pagbabahagi ng talento sa social media platform, magkakaroon siya ng masugid na commenter sa katauhan ni Jerome (Zach Castañeda). Magkli-click kaya sila sa isa't isa? Abangan iyan sa Hunyo 24 (Biyernes).

Hindi lang ang boses ang mapakikinggan ng viewers dahil mapapanood din kung paano idi-nub ng Kapamilya stars ang iba't ibang kwento na mapapanood sa YouTube channel ng MOR.

Huwag palampasin ang "Dear MOR Celebrity Specials," na parte ng “Made for YouTube” simula Hunyo 10 (Biyernes) hanggang Agosto 26 (Biyernes), 12NN o sundan ang video on demand nito kada Lunes sa YouTube channel ng MOR.