Joshua, Julia, Arci, at Gerald papalayain ang mga tunay na nararamdaman sa “Love Unlock”

Apat na taong magpapalaya sa kanilang tunay na nadarama ang mapapanood sa dalawang kwento ng pag-ibig na handog ng original digital special na “Love Unlock” na ekslusibong mapapanood sa Kapamilya Online Live ngayong Sabado (Agosto 15), 7:30 nang gabi.

Matutunghayan sa palabas ang muling pagsasama ng mga minahal na tambalan nina Julia Barreto at Joshua Garcia, at Gerald Anderson at Arci Munoz sa back-to-back mini movies na magdadala ng saya, kilig, at kurot sa puso ng mga manonood.

Mapapanood sa “E-numan” sina Julia at Joshua bilang dating magkasintahang muling mag-uusap sa isang online reunion kasama ang kanilang mga kaibigan. Sa gitna ng pagbalik nila sa nakaraan, mabubuksan ang mga alaala na muntikan nang sumira sa kanilang barkada at muling magdudulot ng gulo sa kanilang samahan.

Sa “Hook-Up,” mapapanood sina Gerald at Arci bilang magkasintahang susubukang ipadama ang init ng kanilang pagmamahal gamit ang online video call. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, mauuwi ito sa pagdiskubre sa mga sikretong babago sa takbo ng kanilang relasyon.

Ang “Love Unlock” ay sa ilalim ng direksyon ni Dado Lumibao at panulat nina Benson Logronio at Arah Jell Badayos.

Bukod sa "Love Unlock," mapapanood din sa Kapamilya Online Live ang iba pang Kapamilya shows nang libre. Sa YouTube, tuloy-tuloy ang panonood simula 7:40 AM hanggang 10 PM. Sa Facebook, may regular na timeslot ang lahat ng programa at may break sa pagitan ng timeblocks.