“Click, Like, Share” ng KyCine at SethDrea, mapapanood na worldwide sa Hunyo 5

Mapapanood na sa buong mundo ang bagong anthology series nina Francine Diaz, Kyle Echarri, Seth Fedelin, at Andrea Brillantes tungkol sa responsableng paggamit ng social media na “Click, Like Share” ngayong Hunyo 5 sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV.

Available na ang season pass para mapanood ang apat na episodes at bonus features sa KTX.ph (P299), iWantTFC (P299 sa Pilipinas o US$5.99 sa labas ng Pilipinas), o TFC IPTV (US$5.99). Makakasama rin sa fan meet para sa bawat episode kapag nanood sa KTX.ph.

Ihahatid ng “Click, Like Share” ang apat na kwento ng mga teenager na nakadepende ang buhay sa social media at ang malulupit na kahihinatnan ng paggamit nito sa maling paraan.

Sa unang episode na “Reroute,” magiging impyerno ang buhay ni Brennan (Kyle) dahil mai-in love sa kanya ang kinakaadikan niyang app. Sa “Cancelledt” naman, malalagay sa panganib ang buhay ni Karen (Francine) nang magkatotoo ang pinapangarap niyang perpektong buhay at kasikatan sa social media.

Mapapanood naman si Seth bilang si Cocoy sa “Trending,” kung saan sisikat siya dahil sa pag-iimbento ng isang viral video. Dadaan naman sa mga pagsubok si Beth (Andrea) sa “Poser” dahil sa panloloko niya sa isang lalaki gamit ang face filter ng isang app.

Kasunod ng premiere ng unang episode sa Hunyo 5 ng 6 PM, isang bagong episode ang mapapanood tuwing Hunyo 12, Hunyo 19, at Hunyo 26 ng 6 PM sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV. Magiging available rin ito ngayong taon sa Upstream.

Pwede na ring bumili ang fans ng official “Click, Like, Share” shirts sa halagang P350 sa official store ng Shirts and Prints PH sa Facebook, Lazada, at Shopee.

Makakasama rin sa “Click, Like, Share” ang The Squad Plus members na sina Danica Ontengco at Renshi de Guzman, pati na sina Jimuel Pacquiao at Nio Tria sa kanilang acting debut. Mula ito sa direksyon ni Emmanuel Q. Palo at produksyon ng iWantTFC at ABS-CBN Entertainment kasama ang Dreamscape Entertainment at Kreativ Den.

Abangan ang unang episode ng “Click, Like, Share” sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV ngayong Hunyo 5, at malapit na sa Upstream.