Rica Peralejo stars in MMK's Mother's Day episode this Saturday

Bibigyang-pugay ng "Maalaala Mo Kaya" ang mga ilaw ng tahanan ngayong Sabado (Mayo 11) sa espesyal na Mother’s day episode na pagbibidahan ng aktres na si Rica Peralejo. Gagampanan ni Rica ang karakter ni Minda, isang batang ina na maagang naulila sa asawa.

Dahil sa hirap ng buhay, napilitan si Minda na iwan ang kanyang apat na anak sa biyenan upang makapagtrabaho at makapag-ipon para sa kinabukasan ng kanyang pamilya. Matagal na panahon ang lumipas bago nagkaroon ng lakas ng loob si Minda na muling balikan ang kanyang mga anak, na lingid sa kanyang kaalaman ay minamaltrato ng pamilya ng yumaong asawa. Paano nga ba hihilumin ng isang ina ang sakit na naranasan ng kanyang mga anak? Sapat na nga ba ang kanyang pagbabalik at pagmamahal para mapunan ang lahat ng kanyang pagkukulang?

Bukod kay Rica, tampok din sa "MMK" Mother’s Day special sina Cris Villanueva, Pamu Pamorada, Celine Lim, Dexter Doria, Allen Dizon, Deydey Amansec, Carlo Lacana, Benjamin de Guzman, Anja Aguilar, Johan Santos, Gemmae Custodio, Liz Alindogan, at Aloysius Noronia. Ito ay sa ilalim ng pananaliksik ni Akkem Jordan Del Rosario, panulat ni Arah Jell Badayos, at sa direksyon ni Raz de la Torre. Huwag palampasin ang isa namang de-kalibreng family drama episode ng “MMK” ngayong Sabado, pagkatapos ng “Wansapanataym,” sa ABS-CBN.

Para sa iba pang updates, mag log on sa www.mmk.abs-cbn.com, sundan ang @MMKOfficial sa Twitter, at i-“like” ang www.facebook.com/MMKOfficial.

WE RECOMMEND