ABS-CBN, makahulugang regalo sa viewers sa  "Give Love On Christmas"
Iba’t ibang kwento ng pamilya at pag-ibig ang Pamaskong inihanda ng ABS-CBN para sa mga manonood ngayong Disyembre sa pagsisimula ng Christmas special nito na “Give Love on Christmas” sa Lunes (Disyembre 1).

Tampok sa unang regalo na hatid ng “Give Love on Christmas” ang kwentong pinamagatang " The Gift Giver" na pagbibidahan ng multi-awarded veteran actor na si Eddie Garcia.

Gagampanan ni Eddie sa istorya ang karakter ni Ernest, isang ama na walang ibang hinangad kundi ang magkaroon ng isang masayang pamilya. Ngunit sa kabila ng kanyang mga sakripisyo upang magkaroon sila ng maayos na pamumuhay, unti-unting mapapalayo kay Ernest ang kanyang mga anak nang mawala ang kanyang pinakamamahal na asawa na si Laura (Alicia Alonzo).

Sa pagkawala ng kanilang ilaw ng tahanan, paano haharapin ni Ernest ang mga itinatagong sama ng loob ng kanyang mga anak? Matutupad pa ba niya ang kanyang pangarap na magkaroon ng "best Christmas ever" kasama ang kanyang buong pamilya, o huli na ba ang lahat para makabawi siya sa kanyang mga pagkukulang?

Tampok din sa istoryang “Give Love on Christmas Presents The Gift Giver” sina Aiko Melendez, Dimples Romana, Carlo Aquino, Louise Abuel, Gerald Madrid, at Nadine Samonte. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Jerome Pobocan.

Ang “Give Love onChristmas” ay ang Pamaskong handog ng Dreamscape Entertainment Television, ang grupong lumikha ng mga de-kalibre at top-rating TV masterpiece gaya ng “Walang Hanggan,” “Ina Kapatid Anak,” “Juan dela Cruz,” at “Ikaw Lamang.”

Huwag palampasin ang pagsisimula ng “Give Love on Christmas” ngayong Lunes, bago mag-“It’s Showtime” sa Prime-Tanghali ng ABS-CBN. Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng “Give Love on Christmas Day,” bisitahin lamang ang official social networking sites ng programa sa Twittter.com/DreamscapePH at Instagram.com/DreamscapePH.

WE RECOMMEND