'MMK' goes beyond storytelling; builds dream school for less fortunate kids in Masbate

Muling mapapanood sa “Maalaala Mo Kaya” ngayong Sabado (Hunyo 29) ang puno ng inspirasyong kuwento ng mga "batang langoy" ng Isla Mababoy sa Masbate na buong tapang na nilalangoy ang dagat makapasok lamang sa kanilang eskwelahan.

Matapos ang halos isang taon mula nang ibahagi ng ABS-CBN ang naiibang "paglalakbay" ng labing-isang taong gulang na si Rizza Abaño (ginampanan ni Abby Bautista) at ng kanyang mga kapatid at kaklase, marami--kabilang ang ABS-CBN--ang naantig sa kanilang istorya at buong pusong tumulong upang maibsan ang hirap ng mga batang mag-aaral sa isla.

Bago pa man maipalabas sa telebisyon ang kuwento nila Rizza ay aktibong nakipagtulungan na ang "MMK" sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya News and Current Affairs sa hangaring matulungan ang mga estudyante sa Isla Mababoy. Ang adhikain ng "MMK" na makapagpatayo ng konkreto at permanenteng paaralan para sa mga bata ay hindi naging mahirap isakatuparan dahil na rin sa tulong ng iba pang sangay ng ABS-CBN kabilang ang Lingkod Kapamilya, Sagip Kapamilya, at Pinoy Big Brother na pawang nakalikom ng malaking halaga. Marami ring iba pang donors ang nagbigay ng donasyon para sa naturang proyekto, hanggang sa umabot na ang kabuuang pondo sa P1.2 milyon. At noon ngang Marso ngayong taon tuluyan nang natapos ang Mababoy Elementary School sa tulong ng engineering department ng Philippine Army na sila mismong bumuo ng mga karagdagang silid-aralan. Bukod sa bagong school building, nagkaloob rin ang mga mabubuting loob na donor ng armchairs, mga libro at school supplies sa mga bata sa Isla Mababoy.

Dahil sa pagkakapit-bisig ng lahat, natupad ang "dream school" ng mga batang langoy. Kung noon ay tinatawid nila ang dagat upang makapag-aral, ngayon ay ilang hakbang na lamang ang layo nila mula sa bagong paaralang itinayo sa kanilang isla.

Bukod kay Abby, bahagi rin ng “MMK” episode na ito sina Arjo Atayde, Lito Pimentel, Ana Capri, Makisig Morales, BJ Forbes, at Crispin Pineda. Ito ay sa ilalim ng pagsasaliksik ni Mae Rose Balanay, panulat ni Mark Angos, at sa direksyon ni Rechie Del Carmen.

Balikan ang inspiring story ng mga batang langoy ng Masbate ngayong Sabado ng gabi sa longest-running drama anthology ng Asya, ang “Maalaala Mo Kaya” (MMK), pagkatapos ng “Wansapanataym.”

Para sa iba pang updates, mag log on sa www.mmk.abs-cbn.com, sundan ang @MMKOfficial sa Twitter, at i-“like” ang www.facebook.com/¬≠MMKOfficial.

WE RECOMMEND