Kathryn Bernardo and Daniel Padilla's 'Got to Believe' to air this July

PBalik-primetime TV ngayong darating na Hulyo ang reigning 'Teen Queen and King' ng Philippine showbiz na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa pamamagitan ng pinakaaabangan nang romantic comedy series ng ABS-CBN na "Got To Believe" na panibagong obra ng box-office director na si Cathy Garcia-Molina.

Matapos mahalin ng buong Pilipinas bilang sina Prinsesa Areeyah at Gino ng royal teleseryeng "Princess And I" at bilang sina Ivan at Patchot sa launching movie nila sa Star Cinema na "Must Be... Love," patuloy na pakikiligin nina Kathryn at Daniel, na mas kilala na ngayon bilang 'KathNiel,' ang mga manonood. Sa panibagong kwentong pag-ibig na ibabahagi nila ngayon sa "Got To Believe," gagampanan nila ang papel ng dalawang kabataang mula sa magkaibang mundo na magtatagpo sa hindi inaasahang pagkakataon. Si Daniel ay ang rich kid, spoiled 'prince' na si Joaquin at si Kathryn ay si Chichay, ang simple girl with big dreams.

Bahagi rin ng cast ng "Got To Believe" sina Manilyn Reynes, Benjie Paras, Ian Veneracion at Carmina Villarroel.
Samahan sa "Got To Believe" sina Chichay at Joaquin sa pagsabak nila sa 'real world' na susubok sa kanilang katatagan at pag-amin sa kanilang mga tunay na nararamdaman. Sapat na kaya ang "never say die" motto ni Chichay upang maabot ang kanyang mga pangarap para sa kanyang pamilya? Anong magkapagbabaligtad sa mundo ni Joaquin para ma-realize na sa gitna ng mala-prinsipeng buhay ay may kulang pang 'magic' na kukumpleto sa kanya?

Huwag palampasin ang kakaibang magic ng pag-ibig sa upcoming romantic TV series na "Got To Believe," mapapanood na ngayong Hulyo sa ABS-CBN Primetime Bida.

Para sa mga eksklusibong impormasyon, pictures, at videos, mag-log on sa official social media accounts ng "Got To Believe" sa www.facebook.com/G2B, www.twitter.com/@G2BGottobelieve.

WE RECOMMEND