Karen Davila examines mother-daughter dispute over inheritance in 'Engkwentro'

Kahit buhay pa si Aling Lilia, binubuyo na siya ng kanyang anak na si Mel na ibenta na ang pagmamay-ari nitong munting bahay at lupa at mapaghatian na nila ang makukuhang pera.

Ito ang masalimuot na awayang mag-ina na bubusisiin ni Karen Davila sa episode ng “Pinoy True Stories: Engkwentro” bukas (Hunyo 25) sa ABS-CBN.

Matinding pinag-aawayan ni Aling Lilia, 71-taong gulang, at ng 42-taong gulang niyang anak na si Mel ang pagbebenta ng bahay at lupa ni Aling Lilia.

Gusto na raw makuha ng anak ang mamanahing pera mula rito. Nagmamatigas si Aling Lilia dahil wala naman daw uuwian ang perang ibibigay sa anak kundi sa sugal.

Mariing itinatanggi ng anak ang paratang ng ina. Ayon kay Mel, malayo sa kanya ang loob ng ina dahil hindi raw nito tanggap ang pagiging “tomboy” niya. Suko na daw si Mel na maramdaman ang pagmamahal ng ina, kaya wala na siyang ibang hiling kundi makuha na ang parte ng pera mula sa pagbebentahan ng ari-arian ni Aling Lilia.  

Mapilit kaya ni Mel ang inang si Aling Lilia na ibenta ang bahay at lupa? Makuha pa kaya ni Mel ang pagmamahal na inaasam mula sa ina?

Tutukan ang “Engkwentro” bukas (Hunyo 25), 4:45 ng hapon sa ABS-CBN Kapamilya Gold. Para sa updates, sundan ang @PinoyTruStories sa Twitter.

WE RECOMMEND