Ipinakita ng ABS-CBN, kasama ang entertainment content powerhouse nito na ABS-CBN Studios, sa mga manonood ang mga bagong programa na ipapalabas sa 2024 sa “Forever Grateful: ABS-CBN Christmas Special 2023.”
Matapos ang napakalaking tagumpay nito sa buong mundo nang ipalabas sa Prime Video, i-eere na ang teleserye version ng "Linlang," na pinagbibidahan nina Kim Chiu, Paulo Avelino, at JM De Guzman, na may never-before-seen na mga eksena pang kasama.
Magpapatuloy pa ang KimPau fever dahil muling magsasama ng dalawa sa Philippine adaptation ng Korean hit series na “What’s Wrong With Secretary Kim,” na ipo-produce ng ABS-CBN at Viu.
Samantala, balik teleserye na si Anne Curtis dahil pagbibidahan nito ang Philippine remake ng isa pang K-drama na "It’s Okay Not To Be Okay” kasama sina Carlo Aquino at Joshua Garcia.
Magkakaroon rin ng major comeback ang Queen of Primetime Judy Ann Santos-Agoncillo dahil pagbibidahan niya kasama ang award-winning actors na sina Arjo Atayde at John Arcilla ang “The Bagman” ng ABS-CBN International Productions, Dreamscape Entertainment, Nathan Studios, at Rein Entertainment.
Bibida naman ang Kapamilya heartthrob na si Piolo Pascual sa drama-action series na “Pamilya Sagrado,” kasama ang rising young stars na sina Kyle Echarri at Grae Fernandez.
Tapos na ang paghihintay ng mga Kapamilya viewers dahil magbabalik na ang mga pinakamamahal na reality series na “Pinoy Big Brother” at “The Voice” para sa bagong season nito. Ang “PBB” ay pangungunahan nina Bianca Gonzales, Enchong Dee, Robi Domingo, Melai Cantiveros, at Kim Chiu.