Hindi lamang isa kundi dalawang bigating teleserye agad ang unang pasabog ng ABS-CBN Entertainment at TV5 sa hapon sa pamamagitan ng “Pira-Pirasong Paraiso” at “Nag-Aapoy Na Damdamin” na magsisimula nang umere sa Hulyo 25 (Martes).
Tampok sa inaabangang co-production venture ng ABS-CBN at TV5 ang mga sariwang kwento na may kinalaman sa sikreto ng pamilya, paghihiganti, at pagmamahal na tiyak na bibihag sa puso ng mga manonood.
Susubukin ng masalimuot na nakaraan ang totoong pagkatao ng mga karakter nina Loisa Andalio, Charlie Dizon, Alexa Ilacad, at Elisse Joson sa drama seryeng “Pira-Pirasong Paraiso.”
Iikot ang kwento nito sa mga magkakapatid na pinaghiwalay at inabandona ng kanilang sariling pamilya noong sila ay bata pa lamang. Magiging tanging misyon ng panganay na si Diana (Charlie) na hanapin ang dalawa pa niyang kapatid na sina Amy at Beth para magkasama sila muli. Ngunit mananaig ang sakim at paghihiganti sa kanilang mga puso at malilihis sila sa katotohanan tungkol sa tunay nilang pagkatao.
Ang “Pira-Pirasong Paraiso” ay mula sa direksyon nina Raymund B. Ocampo at Roderick Lindayag sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment. Pagbibidahan din ito nina KD Estrada, Ronnie Alonte, at Joseph Marco, kasama sina Sunshine Dizon, Markus Paterson, Epy Quizon, Art Acuña, at may special participation din ni Snooky Serna.
Giyera naman sa pagitan ng dalawang power couple ang bubungad sa “Nag-Aapoy Na Damdamin” tampok sina JC de Vera, Ria Atayde, Tony Labrusca, at Jane Oineza.
Iikot ang kwento nito sa matinding tunggalian nina Philip (JC) at Lucas (Tony), mga kasinungalingan na magdadamay sa mga babae sa kanilang buhay na sina Olivia/ Claire (Jane) at Melinda (Ria), at paghihinganti na isinumpa ni Philip sa pagkamatay ng kanyang mga magulang.
Kasama rin sina Joko Diaz, Kim Rodriguez, Maila Gumila, Carla Martinez, Aya Fernandez, at Nico Antonio sa serye na mula sa direksyon nina FM Reyes at Benedict Mique sa ilalim ng JRB Creative Production.
Tutukan ang “Pira-Pirasong Paraiso” (3pm) at “Nag-Aapoy Na Damdamin” (3:50pm) Lunes hanggang Biyernes sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, A2Z, at TV5 simula Hulyo 25 (Martes). Mapapanood din ang “Pira-Pirasong Paraiso” tuwing Sabado, 2:50pm.