PHOTOS: Abangan si Ms Dina Bonnevie sa isang natatanging pagganap sa MMK ngayong Sabado
Bibigyang-buhay ng award-winning actress na si Dina Bonnevie ang mga karakter ng identical twins na sina Eunice at Febie sa family drama episode ng "Maalaala Mo Kaya" ng ABS-CBN ngayong Sabado (Pebrero 21).
Matapos mamuhay sa Malaysia sa loob ng maraming taon, kinailangang bumalik sa Pilipinas ni Febie para sa pagpapagamot ng kanyang colon cancer at gawin ang plano niyang muling makapiling ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang kakambal na si Eunice, isang balo, na pinakiusapan niyang bantayan ang kanyang pamilya kapag siya ay pumanaw na.

Sa pagpanaw ni Febie, sinikap ni Eunice na tuparin ang kanyang pangako sa kakambal, kabilang ang pagdamay sa asawa ng kapatid na dumanas ng labis na kalungkutan.

Anong gagawin ni Eunice sa sandaling mahulog ang loob niya sa asawa ng kanyang kakambal? Kakayanin ba niya ang panghuhusga ng mga taong nakapaligid sa kanila?

Bahagi rin ng upcoming "MMK" episode sina Tonton Gutierrez, Dante Ponce, Neri Naig, Michelle Vito, Jenny Miller, Rochelle Barrameda, Simon Ibarra, at Mccoy De Leon. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Raz De La Torre at panulat ni Rose Colindres.

Ang "MMK" ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos at creative manager na si Mel Mendoza-Del Rosario.

Sa loob ng 23 taon, bahagi na ng bawat pamilyang Pilipino saan man sa mundo ang "Maalaala Mo Kaya" na bawat Sabado ay nagpapaluha, nagpapangiti, at nagbibigay-inspirasyon sa TV viewers sa pamamagitan ng mga totoong kwentong buhay na ibinabahagi ng letter-senders ng programa.

Huwag palampasin ang longest-running drama anthology sa Asya, "MMK," tuwing Sabado, 7:15PM, pagkatapos ng "Home Sweetie Home" sa ABS-CBN. Para sa iba pang updates, mag log on sa MMK.abs-cbn.com, sundan ang @MMKOfficial sa Twitter, at i-like ang Facebook.com/MMKOfficial. I-tweet ang inyong saloobin at opinyon kaugnay ng episode ngayong Sabado gamit ang hashtag na #MMKTwinHearts.

Watch full teaser HERE

WE RECOMMEND