Music video ng “Tayo Ang Ligaya ng Isa’t Isa” Christmas ID ng ABS-CBN, nagpaligaya sa netizens

Umapaw ang ligaya at paghanga sa social media matapos ipalabas ng ABS-CBN ang official music video ng “Tayo Ang Ligaya ng Isa’t Isa” Christmas ID na nakakuha na ng mahigit isang milyong views sa YouTube at Facebook.

Nag-trending agad ang star-studded music video sa Twitter na hinangaan ng maraming netizens dahil sa makabuluhan nitong mensahe tungkol sa pagkapit sa Diyos, pamilya, at kaibigan para makahanap ng ligaya sa gitna ng pagsubok at pagtampok sa mga taong nagpakita ng kabayanihan at malasakit sa kapwa.  

Naging emosyonal ang netizen na si Claire Remolta matapos mapanood ang bagong Christmas ID music video. 

“Grabe wala talagang time na ‘di ako umiiyak every time naririnig ko kanta ninyo lalo na’t tungkol sa Panginoon. God is good all the time kaya nga proud akong manonood ng Kapamilya. God bless all of you! The best CID,” komento niya. 

Para naman kay Nikko Alday, hindi raw kumpleto ang kanyang Pasko kapag hindi napapanood ang Christmas ID ng ABS-CBN. 

Aniya, “Iba ang dalang inspirasyon n'yo Kapamilya sa sambayanang Pilipinas. Personally, hindi kumpleto ang Pasko ko kapag wala ‘yung ganitong kagandang CID music video. Maraming salamat po, Kapamilya!”  

Isinulat ang “Tayo Ang Ligaya ng Isa’t Isa” ni ABS-CBN Creative Communication Management head Robert Labayen, habang si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo ang naglapat ng musika at nanguna sa overall vocal arrangement at music production. Si Tommy Katigbak naman ang gumawa ng musical arrangement at si Tim Recla ang nag-render ng final mixed at mastered song.