Forever Grateful Christmas Special 2023

Muling nagtipon ang mahigit 300 na Kapamilya stars sa Araneta Coliseum sa unang pagkakataon pagkatapos ng pandemia para pasalamatan at magbigay saya sa fans sa “Forever Grateful: The ABS-CBN Christmas Special 2023.”

Napanood ang world-class performances at iba’t ibang nakakatuwang song at dance numbers tampok ang Kapamilya celebrities, Star Magic artists, Kapamilya leading ladies, leading men, love teams, at marami pang iba. 

Nagpakitang-gilas din ang cast ng iba't ibang ABS-CBN shows tulad ng "FPJ's Batang Quiapo," "It's Showtime," "Pira-Pirasong Paraiso," "Nag-aapoy na Damdamin," "Can't Buy Me Love," "Senior High," “It’s Your Lucky Day,” at "I Can See Your Voice."

Mayroon ding sorpresang song at dance performance sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ng kantang “I’ll Be There for You,” theme song ng hit sitcom na “Friends” na ikinabaliw ng buong Araneta. 

May surprise appearance rin si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee na hinarana ang Big Dome ng kantang nagsusumigaw ng ‘Pinoy Pride.’ 

Isa ring exciting highlight mula sa Special ang full force na pagkanta ng lahat ng Kapamilya stars ng ABS-CBN 2023 Christmas Special ID na “Pasko Ang Pinakamagandang Kwento.”