Patok at pinagkaguluhan ng netizens ang inanunsyong local adaptation ng ABS-CBN at Viu para sa K-drama na “What’s Wrong With Secretary Kim,” na pagbibidahan nina Kim Chiu at Paulo Avelino, matapos itong makakuha ng iba’t ibang trending topics sa social media.
Ibinahagi ni Kim na nasasabik na siyang bigyang buhay ang papel niya bilang ang cute at propesyonal na si Secretary Kim sa Viu Original adaptation. “I’m very happy to do this project and to be the Secretary Kim of the Philippines. Lalagyan namin ng taste of Filipino touch,” sabi niya sa isang interview sa “TV Patrol” kamakailan.
Excited na rin si Paulo na gampanan ang karakter niyang si Mr. Vice-Chairman na may pagka-seryoso pero malambot din ang puso. “I’m very blessed and grateful that they considered me to be Vice-Chairman. Grabe ‘yung pressure sa akin so I’m trying my best to look the part and play the part properly,” sabi niya.
Ipinakilala na rin ng ABS-CBN at Viu ang iba pang mga aktor na magdadagdag ng kulay sa inaabangang romantic-comedy series. Kasama sa cast ng serye sina Janice De Belen, Romnick Sarmenta, Angeline Quinto, Pepe Herrera, Franco Laurel, JC Alcantara, Kaori Oinuma, Gillian Vicencio, Yves Flores, Cai Cortez, Phi Palmos, Kat Galang, at Brian Sy, kasama ang special participation ni Kim Won Shik.
Iikot ang kwento ng “What’s Wrong With Secretary Kim” sa isang istriktong vice-chairman mula sa malaking kompanya na ma-iinlove sa mahusay niyang sekretarya pagkatapos nitong i-anunsyo na magre-resign na siya.
Ang local adaptation para sa “What’s Wrong With Secretary Kim” ay gagawin sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment at ipapalabas ngayong 2024.