KarJon, magsasama muli sa Hex Boyfriend

Isang Halloween treat ang handog nina Karina Bautista at Aljon Mendoza sa pinakabagong YouTube series ng ABS-CBN na "Hex Boyfriend." 

Hex Boyfriend

Ani ni Aljon, "After last projects namin, I feel na mas equipped kami at mas mayroon kaming tools para mapaganda ‘yung series. Kabisado na namin ‘yung isa't isa.''

Dagdag ni Karina, " Nandun kasi ‘yung friendship kaya hindi kami nahirapan. Naging smooth flowing din kasi pareho kaming excited at game kami to work together again in this project na parehas bago sa amin."

Ayon kay Karina, kakaibang love story ang matutunghayan ng viewers dito lalo pa at may kinalaman ito sa mga mangkukulam at albularyo. 

"Ito ‘yung mga kwentong naririnig ko sa mga kapitbahay, lolo, at lola ko. Grabe ito ‘yung kwentong Pilipino. Dito lang sa Pilipinas uso yung kwento sa mangkukulam at albularyo. Dito mabibigyan kulay yung culture natin. Mahilig kasi tayong maniwala sa mga ganyan," saad niya. 

Makikilala ng KarJon fans si Raya, isang Gen Z na goth na galing sa pamilya ng mangkukulam. Dahil sa masamang paniniwala ng kanilang komunidad sa kanyang angkan, hirap si Raya na magkaroon ng kaibigan at mamuhay ng normal. Magbabago ito nang maging kapitbahay  niya si Chris (Aljon) na mula naman sa pamilya ng mga albularyo. Alamin kung anong klaseng pag-iibigan ang mabuo sa pagitan ng dalawa. 

Mapapanood ang Made For YouTube offering na "Hex Boyfriend" sa ABS-CBN Entertainment's YouTube channel.