Judy Ann at John, makakasama si Arjo sa int’l series na “The Bagman”

Magiging bahagi ang award-winning na Kapamilya actors na sina Judy Ann Santos at John Arcilla sa “The Bagman,” isang spin-off mula sa critically acclaimed digital series na “Bagman” na pinagbibidahan ni Arjo Atayde at co-produced ng ABS-CBN International Productions, Nathan Studios, Rein Entertainment, at Dreamscape Entertainment.

Naglalayon ang "The Bagman," na nakatakdang magkaroon ng walong episodes, na simulan ang produksyon nito sa Enero 2024 at makakuha ng pre-sales sa Asia TV Forum (ATF) market sa Singapore. Kasama ang 2020 Asian Academy Creative Awards Best Actor na si Arjo Atayde na lilipad patungong Singapore.

The Bagman

Ang “The Bagman” ang major comeback ni Judy Ann, na pinarangalan bilang Best Actress sa 41st Cairo International Film Festival. Huli siyang napanood sa 2019 Kapamilya primetime series, "Starla."

The Bagman

Samantala, ang "The Bagman" ang magiging kauna-unahang international series ni John pagkatapos ng kanyang makasaysayang panalo bilang unang Pilipino na tinanghal bilang Best Actor sa 78th Venice Film Festival.

The Bagman

Ibinahagi ni Direk Ruel S. Bayani, head ng ABS-CBN International Productions, na 'tuwang-tuwa' silang makatrabaho sina Judy Ann at John. “As we continue to advocate for Filipino representation, we are thrilled to also be announcing the award-winning talent of Arjo, John, and Judy Ann who are now part of The Bagman,” sabi ni Direk Ruel sa isang pahayag.

Binigyang-diin din ni Direk Ruel ang pangako ng ABS-CBN na itaguyod ang mga kuwentong Pilipino sa pandaigdigang entablado sa pamamagitan ng "The Bagman." “Filipino programming is continuing to grow and expand, and we are honored to be at the forefront in offering diverse new projects to meet the growing demands of the industry,” aniya.

Nakatakdang gumanap ulit si Arjo bilang si Benjo Malaya, isang barbero na naging alipores ng gobernador at nasangkot sa isang mapanganib na serye ng krimen, katiwalian, at kaguluhan sa pulitika. Sa "The Bagman," natuklasan ni Benjo ang kalunos-lunos na balita ng kanyang nawawalang pamilya, na nag-udyok sa kanya na muling pumasok sa trabahong tinalikuran niya na. Bilang isang bagman para sa pangulo ng Republika ng Pilipinas, magiging misyon ni Benjo ang pagtigil ng nakaambang giyera.

Ang "The Bagman" ay magiging pangalawang internasyonal na serye ng ABS-CBN pagkatapos ng "Cattleya Killer," na pinagbidahan din ni Arjo at nanguna sa listahan ng pinakapinapanood ng Prime Video Philippines.