ABS-CBN, kinontra ang mga isyu kaugnay sa konstitusyon

Pinabulaanan ng ABS-CBN ang mga alegasyon kaugnay sa 50 taong limitasyon sa prangkisa, citizenship ng chairman emeritus nito, pag-isyu ng Philippine Deposit Receipts (PDRs), at agarang pagbabalik ng kumpanya sa mga Lopez nitong Lunes (Hunyo 1) sa House of Representatives. 

Ipinahayag ni ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak na ang 50 taong limit na nakasaad sa Article 12, Section 11 ng Saligang Batas ay para sa bawat prangkisang binibigay ng Kongreso.

“Malinaw po ang kahulugan nito.  Na bawat prangkisang ibinibigay ng Kongreso ay hindi pwedeng lumampas ng 50 years.  Pero wala naman pong sinasabi na ang buhay ng isang kumpanya ay may limitasyon na 50 years.  Pwede naman pong bigyan ng panibagong prangkisa,” pagbabahagi niya sa ikalawang araw ng pagdinig ng Kamara tungkol sa franchise renewal ng kumpanya.  

Itinanggi rin niya ang paratang na hindi Pilipino ang nagmamay-ari sa ABS-CBN at ipinahayag na ang chairman emeritus nito na si Eugenio “Gabby” Lopez III ay isang Pilipino mula kapanganakan at may karapatang magmay-ari ng media company sa Pilipinas.

“Si Mr. Lopez po ay ipinanganak noong 1952 kaya sakop po siya ng 1935 Constitution.  Ang tatay at nanay niya ay parehong Pilipino.  Kaya from birth, automatic na siya ay isang Pilipino din,” paglilinaw niya.

Binigyang-linaw rin ni Katigbak ang isa pang isyung binabato sa kumpanya at sinabing kailanman ay hindi nawala sa mga Lopez ang pagmamay-ari sa ABS-CBN, kahit pa noong panahon ng Martial Law kung kailan sapilitan itong pinasara ng gobyerno.

Aniya, “Ang pagbabalik ng ABS-CBN sa pamilyang Lopez ay ayon sa batas, at may basbas ng tatlong ahensya ng goberyno:  ang PCGG, ang Office of the President, at ang Korte Suprema.”

Idinetalye niya ang naging pagbabalik ng ABS-CBN sa mga Lopez. “Ang PCGG mismo ang umaksyon na ibalik sa mga may-ari ang Channel 2 noong June 1986.  Noong January 1987, nagkaroon ng agreement ang gobyerno at ABS-CBN na isaayos ang pagbalik ng mga iba pang facilities ng ABS-CBN na patuloy pang ginagamit ng goberyno.  Itong agreement ay may basbas ng Korte Suprema noong 1989.”

Ibinahagi rin niya na ayon sa kasunduan, ibinalik ng PTV 4 ang iba pang pasilidad ng ABS-CBN noong 1992, anim na taon matapos ang EDSA Revolution.

Isa pang isyu na sinagot ni Katigbak ang sinasabing labag sa batas na pagbebenta ng PDRs sa mga banyaga. “Ang PDR po ay hindi katumbas ng pag-aari sa ABS-CBN,” paglilinaw niya, at patunay dito na wala aniyang karapatang bumoto ang sinumang humahawak ng PDR sa pagpapatakbo ng kumpanya.

Binigyan-diin rin niya na aprubado ng Securities and Exchange Commission ang mga PDR.

“Ang pagbenta po ng PDR sa publiko ay inaprubahan ng SEC noong October 4, 1999.  Paano ito magiging labag sa batas kung ang ahensya mismo ng gobyerno ang nagbigay ng permit para ibenta ang mga PDR na ito?,” paliwanag niya.   

Dagdag pa ni Katigbak na may ibang media company na nagbenta ng PDR at hindi naman ito naging isyu sa pagpapalawig ng kanilang prangkisa.

Sinimulan ng House of Representatives ang pagdinig sa renewal ng 25-year franchise ng ABS-CBN matapos nitong magdesisyong bawiin ang House Bill No. 6732, na magkakaloob sana ng ABS-CBN ng provisional franchise para magpatuloy ng operasyon hanggang Oktubre 31.

Tinigil ng ABS-CBN ang operasyon nito noong Mayo 5 alinsunod sa cease and desist order na inilabas ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa network, kahit na sinabi nitong bibigyan nila ng provisional authority ang ABS-CBN sa kabila ng Senate Resolution No. 40, liham mula sa House of Representatives’ committee on legislative franchises, at abiso ng Department of Justice.