Mayroon nang 33,709 pamilyang naapektuhan ng bagyong Odette ang naabutan na ng tulong sa pamamagitan ng ABS-CBN Foundation Sagip Kapamilya, na patuloy pa rin ang relief operations sa mga lugar na nasalanta.
Kabilang sa mga tumanggap ng relief packs kamakailan lang ang 1,141 pamilya sa San Francisco, Southern Leyte, kung saan 2,000 indibidwal din ang nabigyan ng mainit na pagkain mula sa Mobile Kitchen.
Sa Cebu naman, 136 pamilya mula sa San Roque, Liberon Carcar Marigondon Evacuation Center, Lapu Lapu Bankal Elementary School ang nahatiran ng food aid habang sampung komunidad ang binigyan ng water purification equipment mula sa Adtel para makagamit ng malinis na tubig.
Aabot din sa 2,100 pamilya sa iba-ibang barangay sa Surigao City ang tumanggap ng relief packs, gayundin ang 5,000 pamilya sa San Joaquin, Iloilo at Tobias Fornier at Anini-y sa Antique.
Una na ring nakarating ang ABS-CBN Foundation at ang ABS-CBN News Public Service team sa La Libertad, Negros Occidental na lubha ring tinamaan ng bagyo.
Sa panayam sa "TV Patrol," ibinahagi ng residente na si Jonalin Tulisana ang damdamin matapos magdiwang ng Pasko sa evacuation center.
"Basta kumpleto lang ang pamilya namin, tapos wala sa amin nasaktan. Buo pa rin kami. Kahit may bagyo man, buo pa rin kami sa Pasko."
Nagpasalamat din siya sa natanggap na tulong. "Ang layo-layo niyo, nakarating kayo rito. Maraming salamat po talaga."
Patuloy ang pag-iikot ng ABS-CBN Foundation lalo na at marami pa ring mga pamilya ang naghihintay at umaasa sa tulong matapos ang trahedyang sinapit. Anumang halaga ay malaki ang matutulong sa kanila.
Dahil marami pa rin sa ating mga kababayan ang nangangailangan ng pag-alalay sa kanilang pagbangon, patuloy din ang kampanyang "Tulong-Tulong sa Pag-Ahon: Andito Tayo Para Sa Bawat Pamilya" sa pangangalap ng donasyon.
Noong Disyembre 28, umabot na sa P34,554,977 ang kabuuang cash donation habang nagkakahalaga naman ng P4,087,209 ang mga “in kind” na donasyon tulad ng de latang pagkain, bigas, tubig, hygiene kits, at kumot.
Tumatanggap pa rin ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. ng mga donasyon sa kanilang BDO (0039302-14711), BPI (4221-0000-27), PNB (1263-7000-4128), GCash, PayMaya, at PayPal accounts. Para naman sa international donations, pumunta lamang sa abscbnfoundation.org. Makikita ang iba pang detalye sa Facebook at Instagram page ng ABS-CBN Foundation. Maaari ring mag-download ng social media badges na pwedeng gamitin bilang profile photo, twibbons, Facebook frames, Instagram filters, para ipakita ang pagmamahal at suporta para sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.