ABS-CBN, andito pa rin para sa mga Pilipino

Ipinagtibay ng ABS-CBN ang pangako nitong patuloy na paglilingkuran ang mga Pilipino sa mensahe nitong “Andito Kami Para Sa ‘Yo” nitong Mayo 5, na ika-unang taon mula nang nawala ang network sa ere.

ABS CBN andito pa rin para sa mga Pilipino 1

Ipinaabot ng ABS-CBN ang mensaheng ito sa social media sa tulong ng iba’t ibang programa, plataporma, at artista ng kumpanya. Paalala nila sa mga Pilipino, narito pa rin ang ABS-CBN upang sumuporta, at magbigay liwanag at ligaya sa kanila sa pamamagitan ng mga programa nitong napapanood sa free TV, cable, online, at sa streaming platforms.

Makikita sa bidyo na isinalin sa iba-ibang lenggwahe ang “Andito Kami Para Sa ‘Yo” upang mas personal na maipahatid ng ABS-CBN ang mensahe nito sa mga patuloy na tumatangkilik at nagtitiwala sa kumpanya para sa balita, public service, at entertainment, sa kabila ng mga pagsubok.

“Kayo po ang tanging dahilan kung bakit naglilingkod ang ABS-CBN, mula noon hanggang ngayon. Dahil sa inyong suporta, patuloy tayong nakakapaghatid ng mga kwento, nakapagbibigay ng saya at inspirasyon sa Pilipino,” sabi ng ABS-CBN sa social media posts.

Patuloy ang ABS-CBN sa paghahanap ng paraan upang maabot at mahatiran ng serbisyo ang mga Pilipino nasaan man sila sa mundo.

Ngayon, napapanood na muli ang iba-ibang entertainment programs ng ABS-CBN sa buong bansa, kabilang ang primetime block nito, sa free TV at gamit ang digital box sa A2Z Channel 11 at TV5.

ABS CBN andito pa rin para sa mga Pilipino 2

Sa cable, nakakukuha rin ng aliw, saya, at kaalaman ang mga Pilipino sa Kapamilya Channel, Cinemo, A2Z, TV5, Jeepney TV, CinemaOne, Metro Channel, MYX, at Knowledge Channel. Habang maiinit na balita naman ang  hatid ng TeleRadyo at ANC, the ABS-CBN News Channel.

Sa online, lalo pang mas maraming pagpipilian ang mga Kapamilya, dahil ipinapalabas din ng ABS-CBN ang iba-iba nitong offerings sa mga opisyal na social media pages at digital platforms nito, sa Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube, sa streaming service ng ABS-CBN na iWantTFC, at kamakailan lang, maging sa WeTV iflix.

Maging ang mga nasa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas ay naabot pa rin ng ABS-CBN sa pamamagitan ng TV5 at mga programa ng MOR Entertainment sa Facebook, kumu, Spotify, at YouTube.

Patuloy ring binibida ng ABS-CBN ang talento ng Pilipino sa pamamagitan ng Star Music at Star Cinema, samantalang tulong ang dala ng ABS-CBN News Public Service at ABS-CBN Foundation sa mga nangangailangan.