ABS-CBN Lingkod Kapamilya, naghatid ng tulong sa mga taga-Marawi

ABS-CBN Lingkod Kapamilya, naghatid ng tulong sa mga taga-Marawi Sa panahon ng pangangailangan at pagsubok, laging may kapamilyang handang tumulong sa pamilyang Pilipino. Muling napatunayan ito sa paghatid ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya–Operation Sagip ng tulong sa mga lumikas na residente ng Marawi bunsod ng nagaganap na armadong kaguluhan sa lungsod.

Noong Hunyo 10, umabot na sa 10,509 na pamilya o 52,545 na tao ang nakatanggap ng bigas at mga de lata sa ginawang pamamahagi ng grupo para sa mga bakwit sa Balo-I, Matungao, Pantar, Pantao Ragat sa Lanao Del Norte, Iligan City, Cagayan De Oro City, at Misamis Oriental.

Katuwang ng Operation Sagip ang ABS-CBN Regional Network Group sa Mindanao, ABS-CBN Integrated News and Current Affairs, City Social Welfare and Development (CSWD) ng Iligan, Cagayan de Oro, ang Marawi City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) ng Lanao del Sur, Provincial Police Office of Misamis Oriental, Iligan City, at Cagayan de Oro, mga staff ng Red Cross, Armed Forces of the Philippines, at ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. North Mindanao sa ginawang operasyon.

Samantala, 1,000 estudyante mula sa Lanao Del Norte rin ang nakatanggap ng bagong school bag at mga gamit sa paaralan galing sa “Gusto Kong Mag-Aral” ng Operation Sagip. Ang proyektong ito ay patuloy na lumilibot sa buong Pilipinas upang maghatid ng pag-asa at inspirasyon sa mga kabataang Pilipino sa mga lugar na nakararanas ng kahirapan at kalamidad. Aabot na sa 82,292 na bag at school kits ang naibahagi na ng “Gusto Kong Mag-Aral” sa 33 na probinsya.

Maliban sa pamamahagi ng relief packs at school bags, layunin din ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya na tulungan ang Marawi sa pagbangon nito kapag natapos na ang kaguluhan, tulad ng pagsasaayos ng mga paaralan para sa mga mag-aaral.

Patuloy na tumatanggap ang grupo ng donasyon sa mga gustong tumulong sa mga taga-Marawi. Maaring mag-abot ng bigay na pagkain o kagamitan sa Operation Sagip Warehouse sa #13 Examiner St. West Triangle, Quezon City. Maaari din magdeposito sa mga bank account ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya na nakalista sa www.abs-cbnfoundation.com. Para sa iba pang detalye, maaari ring magpunta at mag-iwan ng mensahe sa Facebook (@ABSCBNFoundationKapamilya).

Ang Operation Sagip ay ang emergency humanitarian assistance program ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. na nagbibigay ng pagkain at iba pang uri ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng mga kalamidad. Nagsasagawa rin ito ng mga proyektong makakatulong sa pagbangon ng mga pamilya at sa paghahanda sa mga darating pang sakuna.

WE RECOMMEND