Julia, lalaban para sa anak sa huling linggo ng Asintado


Dugo sa dugo na ang laban ni Ana (Julia Montes) ngayong ang anak niya, na siya ring apo ni Salvador (Nonie Buencamino), ang pupuntiryahin ng kalaban para makapaghiganti sa huling linggo ng “Asintado.”

Matapos maisilang ni Ana ang anak nila ni Gael (Paulo Avelino) at ang pagdakip ng mga pulis kay Salvador, muling iisakatapuran ng huli ang kanyang masasamang plano at maghahasik ng lagim sa pagtakas nito sa kulungan. 

Sa kanyang muling paglaya, muling pagagalawin ni Salvador ang kanyang mga tauhan para dakipin ang kanyang apo habang nasa pangangalaga ito ni Samantha (Shaina Magdayao). Magiging dahilan naman ito ng pagkakasira ng magkatapid dahil isisisi ni Ana sa kapabayaan ng kanyang ate ang pagkawala ng kanyang anak.

Muli pa nga kayang makasama ni Ana ang kanyang anak? Ito na rin nga ba ang tuluyang ikasisira ng naayos na sanang relasyon nina Ana at Samantha?

Mula nang umere ito sa telebisyon, kinapitan na ang “Asintado” hindi lang para sa maaksyong tagpo nito, kung hindi pati na rin sa kwento nitong tungkol sa pamilya at pagmamahal. Nanatili rin itong nangunguna sa national TV ratings tuwing hapon, ayon sa Kantar Media, nauungusan ang katapat na programa.

Panoorin ang maiinit na tagpo sa “Asintado” tuwing hapon sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com. 

WE RECOMMEND