“Little Big Shots,” kinapupulutan ng aral at inspirasyon ng buong pamilya

Sa pagpapamalas ng talento at talino ng mga bata sa Kapamilya talent-variety at talk show na “Little Big Shots,” linggo-linggo rin nitong ibinabahagi ang kahalagahan ng dedikasyon at ipinapakita ang mga kwento ng pamilyang Pilipino na nagbibigay-inspirasyon sa mga manonood.

“Lagi kong sinasabi sa kanila, magic is an art. Kailangan lang protektahan mo kasi ‘pag wala kang pagmamahal sa craft mo, walang mangyayari,” paglalahad ni Melbourne, tatay ng siyam na anyos na magician na si Kyla. “Kailangan mahalin mo siya para ‘pag pinerform mo siya sa mga tao, mas ma-enjoy mo talaga. Saka papraktisin mo talaga para perfect na perfect ‘pag nilabas sa mga tao,” dagdag pa niya.

Bukod pa sa pagtuturo ng kasipagan at pagmamahal sa napiling propesyon, tampok din ang mga magulang sa programa upang ipakitang mahalaga ang pagbibigay ng suporta sa mga anak sa kanilang ambisyon.

“Ipagpatuloy niya lang ang pangarap niya, nandito kami laging sumusuporta sa kanya,” pahayag ng nanay ng biker na si John-John.

Nagbahagi rin ng payo si Wanlu, ang tatay ng marionettist na si Eli, para sa mga kagaya niyang magulang na may anak na may attention deficit hyperactivity disorder (ADHD): “Tiwala lang sa Diyos and suportahan lang natin ang gusto nila, ang palagay natin ‘dun sila interesado. Subukan niyo lang hanapin ang natatago nilang talento.”

Nakakaantig naman ng puso ang ilang mga tagpo sa palabas sa pagitan ng mga bata at ng kanilang mga magulang. Kabilang sa mga ito ang episode kung saan nagpasalamat si Glen sa anak na si Jane, isang 13 taong gulang na hulahoop dancer, para sa pagtulong nitong mapaaral ang kanyang mga kapatid sa tulong ng premyong napapanalunan sa mga kumpetisyon.

Marami ring naiyak sa pagbisita ng buong pamilya ng headspinner na si Marky. Dahil sa hirap ng buhay, nangako siya at kanyang mga kapatid na tutulungan ang mga magulang na makaahon sa pamamagitan ng kanilang talent sa paghe-headspin.

Dahil sa handog nitong parehong nakakaaliw at nakakaantig na eksena, patuloy na nangunguna ang “Little Big Shots” sa ratings sa buong bansa tuwing weekend. Ayon sa datos mula sa Kantar Media, nagtala ito ng national TV rating na 32.5% noong Sabado (Sep 16) laban sa katapat nitong programang “Pepito Manaloto Ang Tunay Na Kuwento” na may 19.9%. Noong Linggo naman (Sep 17), nakakuha ang “Little Big Shots” ng 34.6%, samantalang mayroon namang 17.8% ang “All Star Videoke.”

Huwag palampasin ang bigating talento ng mga kabataan sa “Little Big Shots,” Sabado at Linggo sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates tungkol sa programa, i-like lang ang www.facebook.com/LBigShotsPH o sundan ang @LBigShotsPH sa Twitter.

WE RECOMMEND