5 natatanging rason kung bakit tinaguriang “Da King” si FPJ

Sa libo-libong mga artistang ating ipinakilala ng showbiz sa atin sa mga nakalipas na panahon, marami sa kanila ang nag-iwan ng marka sa ating mga puso at isipan sa kanilang iba’t ibang pamamaraan. Subalit, hindi lahat ay nabansagang “ALAMAT” o “HALIGI” dahil sa kanilang hindi matatawarang kontribusyon sa industriya bilang artista at sa kanilang impluwensya bilang public personalities, tulad na lamang ng namayapang actor na si Fernando Poe, Jr.

Tuwing mababanggit ang kanyang pangalan, ito ang limang bagay na marahil ay una nating naalala tungkol sa kanya – maong na jacket, ang mga patilya niya na never umabsent, ang pagkuba ng kanyang likod at pagsabit ng kanyang mga hinliliit sa magkabilang bulsa ng kanyang pantalon, ang kanyang malaki at paos na tinig sa tuwing sasambitin ang kanyang mga linya, at ang kanyang mga rapidong suntok na kayang pabagsakin sino man ang kanyang kalaban – at ang lahat ng ito ay naging tatak niya at naging simbolismo ng pagiging astig at macho mula sa kanyang panahon hanggang ngayon.

Ngunit, alam natin na siya ay higit pa sa mga iyan sapagkat siya ay isang “icon” na nararapat lamang na alalahanin hindi lamang sa mga di-malilimutang pagganap niya sa mga pelikulang tinampukan niya, kundi pati na rin sa mga papel na ginampanan niya sa totoong buhay.

Di mapantayang alagad ng sining

Sa loob ng halos limang dekada, si FPJ ay hindi lamang namyagpag isang award-winning at produktibong aktor sapagkat siya rin ay naging kapitaga-tagang direktor, manunulat, at prodyuser. Sa halos 300 pelikulang kanyang pinagbidahan, marami sa mga ito ang ni-release ng FPJ Productions na kanyang itinatag noong 1962 at iba pang film companies na itinayo niya, habang ilan sa mga ito ay sinulat at dinirek niya.

Napatunayan niya ang kanyang kalibre bilang isang aktor sa pamamagitan ng mahusay niyang pagganap sa iba’t ibang karakter at genre, mapa-drama, comedy, fantasy, at action man ito. Hinirang siya bilang “Hall of Famer” at “winningest actor” ng FAMAS (Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards) dahil sa pagkamit ng pinakamaraming bilang ng Best Actor trophies mula nang una siyang ma-nominate noong 1959.

Anak ni Palaris (1955), ang sequel sa Palaris (1941, 1946) ng kanyang amang si Fernando Poe, Sr. at prinoduce ng kanyang inang si Elizabeth Kelley, ang naging tiket niya sa film industry. Subalit, sa pelikulang Lo’ Waist Gang noong 1956 niya lamang natamo ang kasikatan at sa pelikulang Markado noong 1960 naman siya sinimulang kilalanin bilang isang dekalibreng aktor.

Isa pa sa mga dahilan kung bakit siya hinirang na “Hari ng Pelikulang Pilipino” ay dahil sa bilang ng pelikulang kaya niyang gawin at ilabas sa isang taon. Believe it or not, tinatayang pito hanggang 10 pelikula niya ang inilalabas kada taon noon at karamihan sa mga iyon ay tumabo sa takilya!

Bukod sa pagiging artista, sinubukan niya ring magtrabaho sa likod ng kamera bilang isang direktor at screenwriter gamit ang mga alyas na “Ronwaldo Reyes” at D’Lanor. At di niya tayo binigo dahil naiuwi niya ang Best Story award para sa Mga Anghel na Walang Langit (1971) at ang kauna-unahang Best Director award niya para sa Ang Padrino (1985).

Ayon sa isa sa mga malalapit na kaibigan niya at beteranong aktor na si Jaime Fabregas, si FPJ ay isang “underrated director” dahil kahit na hindi niya napantayan ang multi-awarded directors na nakasabayan niya noon pagdating sa dami ng tropeong natanggap, mataas pa rin ang pagtingin niya sa kanya dahil sa galing niya sa pag-motivate ng mga artista, sa pag-anggulo ng mga kamera, at pagsasalaysay ng mga kuwento.

Hindi lamang Pinoy film critics, audiences, award-giving bodies, at kapwa filmmakers ang napabilib niya sa pambihirang talento, kundi pati na rin ang international film companies, na nagbunsod sa pagkakataong makatrabaho niya ang ilan sa kanila sa mga pelikulang The Walls of Hell and The Ravagers.

Kaya naman nararapat lamang ang paggawad sa kanya ng posthumous National Artist for Film recognition noong 2012. Take note, siya palang ang action star na ginawaran ng ganitong pagkilala!

Idolo ng masa

Hindi maikakaila kung paanong ang mga karakter na kanyang ginampanan ay pawing nagtataglay ng magkakatulad na katangian – mapagmahal at malapit sa kabataan at kababaihan, matapang na tagapagtanggol ng mga naaapi, malupit na kalaban ng mga mapang-api, at mabuting pinuno – na kung saan tunay na nakaka-relate ang mga Pilipino.

Siya ay naging bayani para sa lahat, lalo na sa mga api, dahil sa pagpapalganap niya ng pag-asa at pagkakaisa sa pamamagitan ng kayang mga obra na talaga namang sumasalamin sa buhay ng mga ordinayong tao. Kinakatawan niya rin ang “ideal man” na nais nating maging kaibigan, kapatid, tatay, o katuwang sa buhay, at ang isang ma-prinsipyong tao na kinakailangan ng ating lipunan.

Sa katunayan, sa labis na pag-idolo sa kanya ng mga manonood, kailanman ay hindi na pinatay ang kanyang mga tauhan sa mga sumunod na pelikula. Ito ay matapos ang isang inisdente kung saan sa labis na pagkadala o pagka-carried away ng kanyang mga tagahanga sa kagimbal-gimbal na pagpaslang sa kanya ay binato nila ang screen ng isang sinehan na nagpapalabas ng pelikulang iyon.

Samantala, para naman sa mga taong nakakakilala sa kanya nang personal at nakatrabaho niya, never nilang makakalimutan kung gaano siya naging mapagbigay hindi lamang sa kanyang mga kaibigan at katrabaho, kundi pati na rin sa ibang tao. 

Nagpatotoo rito ay ang isa sa malalapit niyang kaibigan at kapwa artista na si Boots Anson-Rodrigo. Sa isang panayam sa telebisyon, ibinahagi niya na sa tuwing gagawa si FPJ ng pelikula sa isang probinsya o saanmang lugar, parati niyang tinitiyak na makatutulong siya sa mga taga-roon sa pamamagitan ng pag-abot ng monetary donation sa simbahan o sa isang eskwelahan nito.

Bukod do’n, nakapagpatayo rin siya ng maraming foundations, nakapagpaaral ng mahihirap na bata, at gumawa ng iba pang mabubuting bagay – at lahat ng iyon ay pinili niyang huwag ipaalam sa media at maraming tao.

Higit pa sa kanyang mga karakter niya na tumatak sa ating puso’t isipan, ang kanyang kabutihan at taos-pusong pakikisama at pagtulong ang naglapit sa kanya sa masa at nagpaigting ng kanilang kaugustuhan na siya ay tumakbo sa pagkapangulo noong 2004 national elections, na muntik na niyang ipanalo.

Hanggang sa kanyang huling mga araw ay inalala niya pa rin ang kanyang mga taga-sunod na walang sawang sumuporta sa kanya, kaya naman gumawa siya ng isang montage ng mga pelikulang ginawa niya noon sa tulong ng kanyang mga kaibigan at kasamahan sa FPJ Productions bilang handog-pasasalamat sa lahat ng taong naging parte ng matagumpay niyang pamamayagpag sa larangan sa loob ng 48 taon.

Inspirasyon sa ibang aktor

Dahil sa kanyang di matatawarang husay sa pag-arte at nakaka-inspire na istorya ng buhay at ugali bilang isang aktor, maraming aktor mula sa iba’t ibang henerasyon ang tumitingala sa kanya at itinuturing siya bilang kanilang “ultimate idol”.

Bago pa man siya binansagang “Da King”, si Ronald Allan Kelley (ang kanyang tunay na pangalan) ay una munang naging mensahero, extra, at stunt double. Imbes na manatili siya sa anino ng kanyang ama na isang tanyag na aktor noon at umasa sa kasikatan nito, nagtiwala siya sa kanyang sa sariling kakayahan, sipag, at tiyaga. Worth it naman lahat ng kanyang pagsasakripisyo at pagsisikap dahil hindi nagtagal, matagumpay niyang naikintal ang kanyang marka sa mundo ng pelikula.

Sa 2007 ABS-CBN special na pinamagatang Alay ni Da King, ibinahagi ng mga artistang kinapanayam kung gaano nila siya hinahangaan hindi lamang bilang isang produktibo at kapita-tagang aktor, kundi bilang isang mabuting tao sa totoong buhay. Lahat sila ay proud sa pagkakataong ibinagay sa kanila noon na makatrabaho o maturuan ng isang FPJ.

Isa sa kanila ay ang premyadong action star na si Philip Salvador, na nagbahagi (at nagpa-sample pa!) ng mga stunts na kanyang ginamit sa mga pinagbidahan niyang mga pelikula na inspired ng mga pamatay at nakabibilib na galaw na pinauso ng “maestro”.

Sa kasalukuyan, ang pinakakilalang legacy ng maalamat na aktor ay ang long-running primetime series na FPJ’s Ang Probinsyano na pinangungunahan ng King of Primetime Teleseryes Coco Martin, na halaw sa kanyang patok at di malilimutang pelikula niya noong 1997 na may kaparehong titulo.

Nagmamahal na haligi ng tahanan

Hindi maikakaila kung gaano tayo kabilib sa daan-daang tauhan na kanyang isinagawa sa loob ng 48 taon. Ngunit, mas nakamamangha kung gaano niya kahusay na ginampanan ang pinakamahalagang papel niya sa buhay – ang maging haligi ng kanyang pinakamamahal na pamilya.

Siya ay ikinasal kay Susan Roces (o Jesusa Purificacion Sonora sa totoong buhay) nang dalawang beses – sa sibil at simbahan – noong 1968 at biniyayaan sila ng isang napakagandang supling, na kahit hindi mismo nagmula sa kanila ay minahal at inaruga nila nang buong puso.

Sa nabanggit na special TV feature para kay FPJ, ibinahagi ni Senator Grace Poe Llamanzares kung gaano ka-close ang relasyon niya sa kanyang yumaong tatay.

“I could really talk to him; it was really easy to approach him. But it was more likely an inspiring relationship because everytime I spoke to him, I was always awestruck,” saad niya.

Samantala, malaki naman ang naging impluwensya niya sa kanyang pamangking si Joseph Sonora, na nagsabing, “If he was a big person in cinema, he was a bigger person in my life. Sobrang laki ng influence niya. I looked forward talking to him every single time even though I see him everyday.”  

Sa kabila ng mga isyung ipinukol sa kanya patungkol sa kanyang buhay-pag-ibig, nanatiling matatag ang pagsasama nila ng kanyang lawfully-wedded wife at “Da Queen” na tumagal ng 36 years bago ang kamatayan niya noong 2004, gayundin sa lahat ng kanyang apat na anak.

Kahanga-hangang kaibigan at katrabaho

Sinasabing mahirap makatagpo ng tunay at pangmatagalang kasangga sa showbiz, pero pinabulaanan ito ni FPJ sapagkat nagkaroon siya ng matibay na koneksyon sa kanyang mga kaibigang artista, tulad ng kanyang mga celebrity best friends na sina Dating Pangulo at ngayo’y Manila City Mayor Joseph Ejercito-Estrada at ang namayapang King of Comedy Dolphy.

Ilan din sa kanyang mga kaibigang ininterview sa Alay ni Da King: The FPJ Special ang nagkuwento ng kanilang hindi makakalimutan at masasayang alaala kasama siya at nagpahayag kung gaano kalaki ang pasasalamat nila na siya ay nasa kanilang buhay. Sa pamamagitan ng kanilang mga salaysay, nasilip natin ang nakaaaliw at kakaibang panig ng pagkatao niya na hindi natin madalas makita sa harap ng kamera.

Maliban sa mga munting nakatutuwang kalokohang kanyang ginawa, sinariwa rin ng mga taong nakatrabaho niya noon, mapaartista man o hindi, kung gaano siya ka-gentleman at mapagpakumbaba. Isa sa pagkatataong naipamalas niya ito ay sa pamamagitan ng pagtrato sa bawat isa sa set – mula sa mga staff at crew hanggang sa mga aktor at namumuno – nang pantay-pantay.

Mabuhay ka, Da King! Mahigit isang dekada na mula nang iwan mo ang mundo, subalit ang kadakilaan at pamana mo ay habambuhay na nakakintal sa aming mga puso at alaala.