Noven, handa nang harapin ang susunod na kabanata sa buhay at karera

Matapos malampasan ang mga pagsubok na ibinato sa kanya, nakatakda nang simulan ng “Tawag ng Tanghalan” grand champion na si Noven Belleza ang bagong yugto sa kanyang buhay at karera.

“Nagpapasalamat ako unang una sa Panginoon, sa pamilya ko, sa mga tao na hanggang ngayon nandyan sumusuporta sa akin. Gusto kong sabihin sa kanila na maraming maraming salamat at lubos kong naiintindihan ang mga responsibilidad na dapat ko pang gawin sa inyo,” aniya.

Dagdag pa ni Noven, sa kanyang mga karanasan niya huhugutin ang emosyon sa handog na bagong musikang katuparan ng kanyang mga pangarap.

“Marami akong inspirasyon ngayon. Hindi nawawala ang pamilya, kasi anuman ang problema na dumating sa ‘yo, nalulugmok ka man, nanghihina, wala kang ibang matatakbuhan kundi sila – pinakauna iyan. Pangalawa, sa mga taong sumusuporta sa akin, sa Novenatics ko.”

Hangarin niya ring magbigay naman ng inspirasyon sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang musika, anuman ang kanilang pinagdadaanan.

Kamakailan, inilunsad ang nakakaantig na music video ng unang single niyang “Tumahan Ka Na” kung saan ipinapakita ang mga pinagdadaanan ng pamilya ng mga overseas Filipino worker at sundalo at maging ng mga sawi sa pag-ibig.

Patok na patok ang single ni Noven dahil consistent number one ito at sampung linggo nang nananatili sa radio charts.

“Sa tingin ko maraming makaka-relate sa mga kanta ko kasi pampasigla ng mga naaapi. Kung nanghihina ang loob mo, kung maririnig mo ang mga kanta ko, may magmo-motivate sa ‘yo na palakasin ka,” pahayag ni Noven.

Bilang baguhan sa industriya, nais din ni Noven na makapaghandog ng mga awiting mananatili sa puso ng mga Pinoy, gaya ng ginawa ng kanyang mga iniidolo.

“Sa tingin ko, nami-miss na natin ang OPM dati. Gaya ng kay April Boy Regino, Martin Nievera, at sa Rockstar. Tumatak talaga ang mga kanta nila. Gusto kong ibalik ang mga ‘yun,” sabi niya.

Ngayong linggo, nakatakdang ilunsad ni Noven ang kanyang kauna-unahang album mula sa Star Music.

Nang tanungin naman si Noven kung ano ang pinakamahalagang natutunan niya matapos manalo sa “Tawag ng Tanghalan,” aniya, “Salat ka man sa buhay, pangit ka man o may kapansanan, hindi hadlang lahat ng ‘yun kung may pangarap ka. Lahat iyan maaabot mo basta magpursige ka, at samahan mo ng dasal. Pero hindi lang puro pangarap, kailangan mo ring pagsikapan.”

WE RECOMMEND