FPJ: Kagitingan para sa masa, katrabaho at kapamilya


Taon-taon, ating inaalala ang sakripisyo at kabayanihang ipinamalas ng mga sundalong Pilipino at Amerikano nang mapasakamay ng mga Hapon ang Pilipinas noong World War II sa pamamagitan ng pagtatalaga sa ika-9 ng Abril, o Araw ng Kagitingan, bilang isang regular non-working holiday.


Sa ika-77 taon na paggunita nito ngayong 2019, hindi lamang ang ating mga yumaong bayani na napasama sa karima-rimarim Bataan Death March ang ating ikinararangal, kundi pati na rin ang mga itinuturing nating mga “modernong bayani” na walang maliw sa pagpapakita ng kanilang kagitingan sa kani-kanilang larangan. Sapagkat ang kagitingan ay hindi lamang pagpapamalas ng tapang sa labanan, kundi maging sa pagkakaroon ng buong loob at kahandaan na magsakripisyo upang magtagumpay sa hangaring pangkalahatan.


Lahat tayo ay may taong tinitingala sa ating buhay. Subali’t pagdating sa larangan ng showbiz, isa marahil ang pangalan niya sa pinakanamumutawi bilang idolo ng kanyang mga kapwa-artista at ng ordinaryong Pilipino sapagkat hindi lamang siya hinahangaan bilang isang mahusay na tagapagtanghal, kundi maging bilang isang magiting na indibidwal.


Ngayong Araw ng Kagitingan, tayo’y magbalik-tanaw sa di-mapapantayang kontribusyon ng nag-iisang Fernando Poe Jr. hindi lamang sa industriya ng pagtatanghal, ngunit pati na rin sa sambayanang Pilipino.


Sa Kapamilya


Bago pa man niya matamo ang yaman at katanyagan na tinamasa niya sa kanyang 48 taong karera sa showbiz, dumaan muna sa maraming paghihirap si FPJ.


Bilang pangalawa sa magkakaptid, napuwersa ang binatang Ronald Allan Kelley Poe na magtrabaho sa murang edad upang matulungan ang kanilang pamilya matapos ang hindi inaasahang pagpanaw ng haligi kanilang tahanan, ang premyadong aktor na si Fernando Poe Sr. Huminto siya sa pag-aaral at pinasok ang Philippine film industry bilang isang messenger boy at stuntman bago mabigyan ng acting roles sa Everlasting Pictures.


Sa Katrabaho sa Showbiz


Marahil, walang Pinoy ang hindi nakakakilala sa kanya dahil sa kanyang di-matatawarang pagganap sa mahigit 200 pelikulang kanyang pinagbidahan at ilang obrang kanya ring dinirek, kaya naman nababagay sa kanya ang bansagang “Hari ng Pelikulang Pilipino”.


Subali’t, higit sa mga parangal at pagkilala na kanyang natamo at mga tumatak na karakter na kanyang ginampanan, what makes Da King truly unforgettable lalo na sa kanyang mga kaibigan at kasamahan sa industriya ay ang kanyang sinserong pakikisama at pagtatanggol sa kapakanan ng mga nagtratrabaho sa film industry.


Sa isang dokumentaryong ipinalabas sa ABS-CBN noong 2007 na pinamagatang “Alay ni Da King”, malayang ibinahagi ng ilan sa mga kanyang nakasama sa likod at harap ng kamera kung paano niya sila natulungan sa kanyang mga simpleng pamamaraan. Isa sa kanila ay ang kanyang personal assistant na si Reggie Suarez na nagsabing isa siya sa maraming tao na pinaaral, pinakain, at binigyan ng mga kabuhayan ni FPJ sa pamamagitan ng pagbayad ng tuition fees niya.


Ayon naman sa isang artikulo na aming nabasa, pinili rin umano niyang pansamantalang huminto sa paggawa ng proyekto noong 1998 upang personal an tulungan ang kanyang matalik na kaibigan na si Dating Pangulong Joseph “Erap” Ejercito-Estrada sa pangangampanya nito sa pagka-presidente ng bansa.


Bukod pa sa mga ito, naging maigting din siya, maging ang kanyang butihing maybahay, na taga-suporta ng non-government organization na MOWELFUND (Movie Workers Welfare Foundation) na siyang nangangalaga sa kapakanan ng film workers at nagbibigay suporta at tulong sa  mga manggagawa at organisasyon na nangangailangan.


Sa Masa


Of course, hindi rin maikakaila ang naging malaking impact ni FPJ sa buhay ng sambayang Pilipinong sumubaybay sa kanyang halos limang dekadang karera sapagkat nagsilbi siyang tagapagtanggol ng mga naaapi, maliliit sa lipunan, mga pangkaraniwang tao sa pelikula man o sa totoong buhay.


 Sa pamamagitan ng kanyang mga pelikula, ilang milyong buhay ang nabigyan ng kuwento at inspirasyon bilang ang mga karakter na ginampanan niya ay nagpakita ng masidhing pagtuligsa sa pang-aapi at pagwawakas sa kahirapan at sumisimbolo sa pagkatao na minimithi ng bawat isa sa atin.


Tahimik din siyang nagpaabot ng tulong sa maraming tao at komunidad na kanyang nakasalamuha sa paggawa ng kanyang mga proyekto. May mga foundation siyang itinaguyod, eskuwelahang ipinatayo, simbahang pinagawa, at pinag-aral na mga bata.


Subali’t, ang pinakamatinding kagitingan na ipinamalas ni FPJ para sa sambayanang Pilipino ay ang kanyang pagpasok sa politika sa pamamagitan ng pagtakbo sa pagkapangulo noong 2004 presidential elections. Hindi man ito ang kanyang arena datapwa’t pinasok pa rin niya upang mabigyan ng pag-asa ang mga tao, lalo na ang mga umaasa sa mga pwede niyang gawin para sa bansa. Wika nga niya sa kanyang pangangampanya noon, “Huwag nating aalisin ang pag-asa ng isang tao. Baka ‘yon lang ang nalalabi sa kanya.”


Tunay nga na si Da King ay maituturing na modernong bayani dahil sa kagitingan na kanyang ipinakita hindi lamang sa kanyang mga pelikula, kundi maging sa totoong buhay, at walang sino man ang maaaring pumantay o pumalit sa kanya. Mabuhay ka, FPJ!

WE RECOMMEND