
Apat na digitally restored and remastered na pelikula na pinagtambalan nina Judy Ann Santos-Agoncillo at Piolo Pascual ang bibida sa isa na namang edisyon ng “REELive the Classics” na tatakbo mula Miyerkules (Nov 8) hanggang Martes (Nov 14) sa Power Plant Cinemas.
Ang “REELive the Classics” ay bahagi ng ABS-CBN Film Restoration campaign na “Sagip Pelikula,” sa pakikipagtulungan sa Power Plant Cinemas, na naglalayong salbahin at i-restore ang classic films at maipakitang muli sa publiko gamit ang iba’t ibang platforms.
Pormal na binuksan kamakailan ang “REELive the Classics” noong (Nov 5) sa red carpet premiere ng 2006 hit romantic comedy na “Don’t Give Up On Us” na dinaluhan mismo ni Piolo Pascual at director na si Joyce Bernal.
“Grabe po ang effort na binibigay ng ABS-CBN Film Restoration Group. You have to believe what we fight for and that’s for us to see the classics. It is really for us. Sana ‘yung suporta na ibinibigay natin sa mga pelikula natin noon hanggang ngayon ay mabigyan ng importansya at maipasa natin sa mga kabataan,” sabi ni Piolo.
Bukod sa obra ni Joyce Bernal, tampok din sa naturang cinema exhibition ang tatlo pa sa pelikula ng tambalang Judy Ann at Piolo na “Kahit Isang Saglit,” “Till There Was You,” at “Bakit Di Totohanin.”
Ilan pang digitally restored and remastered films ang matutunghayan katulad ng “Isusumbong Kita sa Tatay Ko,” “Karma,” “High School Scandal,” “Cain at Abel,””Karnal,” “Daddy O,Baby O!,” at “Ligaya ang Itawag mo sa Akin.”
Tatakbo ang “REELive the Classics” mula Miyerkules (Nov 8) hanggang Martes (Nov 14) sa Rockwell Power Plant Mall. Ang ticket ay nagkakahalagang P250 at mayroong discounted price para sa mga estudyante na P150.
Para sa kabuuang schedule, bisitahin ang www.facebook.com/filmrestorationabscbn sa Facebook.
Taong 2011 nang simulan ng ABS-CBN Film Restoration Project ang pagre-restore ng classic films para mapanatiling buhay ang cinematic history ng mga Pilipino. Katuwang ang Central Digital Lab, ito ang pinakaunang restoration na ginawa mismo sa bansa.
Mahigit 120 titulo na ang nairestore ng ABS-CBN Film Restoration Project kung saan ilan sa mga ito ay naipalamas na sa international film fests, naipalabas sa bansa via red carpet premieres, naere sa free-to-air at cable television, natunghayan sa pay-per-view at video-on-demand, nabili sa DVD at na-download maging sa iTunes.