Rap artists ng FPJ’s Ang Probinsyano, nagbigay-pugay kay Da King


Panigurado, wala sino man sa’ting mga Pinoy ang hindi nakakikilala sa nag-iisang “Hari ng Pelikulang Pilipino” na si Ronald Allan Kelley Poe, o mas tanyag sa screenname niyang Fernando Poe Jr.


Sino ba naman ang hindi pa nakakapanood maski isa lang sa mga pelikulang kanyang nilikha sa loob ng halos limang dekada niyang pamamayagpag sa showbiz bago ang kanyang kamatayan noong ika-14 ng Disyembre 2004?


Kaya naman bilang paggunita sa ika-14 anibersaryo ng kanyang pagpanaw inihahandog ng ABS-CBN.com Entertainment ang isang makabagong paraan ng pagbabalik-tanaw sa makulay niyang buhay at di-mapapantayang ambag sa larangan ng sining ng paggawa ng pelikula – sa pamamagitan ng isang “rap battle” o ang tinaguriang “modernong baligtasan”.


Para isagawa ito, aming inanyayahan ang apat na dekalibreng rap artists na kabilang sa patok na panggabing seryeng FPJ’s Ang Probinsyano – na base sa kanyang obra noong 1997 na may kaparehong pamagat – na sina Bassilyo, Smugglaz, Shernan, at Mhot.
 


Sa “Long Live Da King” special, isinalaysay nila kung paano nga ba nahipo ng premyadaong aktor ang kanilang buhay sa pamamagitan kanyang mga obra at kung paano nila naibabahagi sa kanilang mga piyesa ang kanyang mga aral na nais niyang ikintal sa ating mga isipan.


Katulad ng iba sa atin, isa sa masasayang bahagi ng buhay ni Mhot ang panonood ng kanyang pelikula sapagkat nagsisilbi itong bonding moment nila kasama ang kanilang pamilya, habang nagbibigay-aliw naman kina Bassilyo ang panggagaya ng kanilang lolo sa mga tumatak na linya ng kanyang idolo.


Pagdating sa pinakapaborito nilang likha ni FPJ, Pakners (2003) ang para kay Shernan, Ang Dalubhasa (2000) ang kay Bassilyo, Isang Bala Ka Lang (1983) ang kay Smugglaz, at The Epimaco Velasco Story: NBI (1994) ang kay Mhot.


“Ang eksenang tumatak sa kin ay yung mula sa [The Epimaco Velasco Story: NBI] kasi do'n ‘yong pinatay niya si Nardong Putik. Kaya para sa akin, malaking kaalaman ‘yon sa kasaysayan lalo na't taga-Cavite rin ako gaya ni Nardong Putik,” pahayag ni Mhot.
 


Nagtagisan din sila sa pagpapakita kung sino nga ba ang nagtataglay ng angas na mala-FPJ, ang pinakatunay na tagahanga niya, at ang pinakamahusay sa pagbitaw ng kanyang mga di-malilimutang linya mula sa kanyang mga pelikula, gaya ng mga sumusunod:


“Magsimbang may bulak sa ilong” (halaw sa Iyo ang Tondo, Kanya ang Cavite, 1986),


“Marami ka pang bigas na kakainin” (halaw sa Batas sa Aking Kamay, 1987), at


“Puno na ang salop, dapat ka nang kalusin” (halaw sa Kapag Puno na ang Salop, 1989),


Sa pamamagitan ng rap battle na ito. Dapat n’yong abangan kung paano nila binaggit ang ilan sa kanyang mga obra na sobra kayong mapapabilib.


Sino nga ba sa kanilang apat ang mananaig sa labanang ito? Panoorin ang video upang inyong malaman!

WE RECOMMEND