• MONDAY - FRIDAY AFTER FPJ's ANG PROBINSYANO
  • MONDAY - FRIDAY AFTER FPJ's ANG PROBINSYANO
Jodi at Iza, magbabangayan para sa pag-ibig, pamilya, at yaman sa “Ang Sa Iyo Ay Akin”

Dalawang magkaibigang sisirain ng isang kasalanan ang hahantong sa matinding salpukan para sa pag-ibig, pamilya, at yaman sa bagong seryeng Ang Sa Iyo Ay Akin na mapapanood simula Agosto 17 sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live.

Matutunghayan sa serye ang pagsasanib-puwersa ng naglalakihang bituin sa pangunguna nina Jodi Sta. Maria at Iza Calzado kasama sina Sam Milby at ang Diamond Star Maricel Soriano. Bukod sa bigating cast, ang serye rin ang pinakaunang orihinal na teleserye na ipapalabas sa Kapamilya Online Live.

Kilalanin sina Marissa (Jodi) at Ellice (Iza), ang matalik na magkaibigan mula sa magkasalungat na mundo. Mayaman at mula sa maimpluwensiyang pamilya si Ellice, samantalang simple lang ang pamumuhay ni Marissa kasama ang nanay niyang si Lucing (Maricel).

Halos magkapatid na ang turingan ng dalawa, ngunit sa isang iglap magbabago ang lahat --- mapapatay ni Ellice ang anak ng isang congressman na magtatangkang gahasain siya, at si Marissa ang aako sa kasalanan ng kaibigan kapalit ang P10 milyon at ang pangakong hindi siya makukulong na alok ng ama ni Ellice.

Sa kasamaang palad, walang matutupad sa lahat ng ito at pagdurusahan ni Marissa ang lahat sa loob ng bilangguan. Walang kaala-alam sa sinapit ng kaibigan, itutuloy naman ni Ellice ang buhay sa US at makikilala si Gabriel (Sam), ang lalaking magpapatibok sa puso niya at kanyang magiging asawa.

Sa pagbalik nila sa Pilipinas, muling magkukrus ang landas ng dalawa, pero wala na ang Marissa na dating nakilala ni Ellice. Puno na ng poot si Marissa at pilit aagawin ang lahat ng meron si Ellice --- pera, ari-arian, at maging ang asawa niya --- at wala siyang ititira hanggang makuha niya ang hustisyang kanyang inaasam.

Saan nga kaya mauuwi ang plano ng paghihiganti ni Marissa kay Ellice? Patuloy pa kayang maipaglaban ni Ellice ang pagmamahal niya kay Gabriel kung tuluyan na itong makuha ni Marissa?

Ang "Ang Sa Iyo Ay Akin" ay sa ilalim ng direksyon ni F.M. Reyes at Avel Sunpongco, at produksyon ng JRB Creative Production.

Abangan ang Ang Sa Iyo Ay Akin pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live.