Wagas na pasasalamat ang inialay ni Coco Martin sa lahat ng Pilipinong nagmamahal at sumusuporta sa “FPJ’s Ang Probinsyano” habang pinaghahandaan niya ang makasaysayang ikaanim na taon ng serye ngayong Setyembre.
“‘Yan ang Pilipino. Marunong tumanaw ng utang na loob kung ano man ang ibinigay sa ‘yo at kung anuman ang ginawang maganda sa ‘yo. At mahirap kalimutan ‘yun. Habangbuhay kong tatanawin ng utang na loob. Maraming salamat po,” pahayag ng pasasalamat ni Coco.
Inimbitahan ni Coco, na nagsisilbing isa sa mga direktor at ang creative head ng serye, ang mga manonood sa buong mundo na abangan ang bagong kwento at mga bagong karakter, kung saan makakasama ang bagong leading lady niyang si Julia Montes.
“Sisiguraduhin naming mas magiging kaabang-abang, mas maganda, mas maaksyon, mas madrama. Sisiguraduhin po namin na hindi po namin kayo bibiguin. Maraming maraming salamat po sa lahat ng inyong suporta at pagmamahal na ibinibigay sa FPJ’s Ang Probinsyano,” sabi ni Coco.